Minsan wala talagang makain: Mga batang ulila salu-salo sa niyog, toyo, asin

Image by Jopay T De Guia via Facebook
  • Magkakapatid, niyog, soy sauce at asin ang kinakain
  • Kung minsan pa nga ay sadyang wala at nagtitiis sa gutom
  • Yumao na ang kanilang ama, sumama umano sa kabit ang ina

Masuwerte tayo kung mayroon tayong mga magulang na nagpupursigi para maihanda tayo sa mga hamon ng buhay, ginagabayan para makatapos ng pag-aaral at pinapakain tayo. Mayroon kasing mga bata sa ngayon na sila-sila na ang nakaaawang bumubuhay sa sarili yamang wala na silang mga magulang o ‘di kaya’y sumama na sa iba.

Image by Jopay T De Guia via Facebook

“Eto po ‘yung mga bata na wala nang mga magulang,” ayon kay Jopay De Guia sa Facebook. Makikita sa mga litratong ibinahagi niya ang tatlong bata habang nagsasalu-salo sa pagkain.

Ani Jopay, ang mga magkakapatid ay kumakain ng niyog, soy sauce at kung minsan pa ay asin para mairaos lamang ang araw. Kung minsan, saad pa nito, ay talagang wala silang makain at nagtitiis ng gutom.

Nabanggit ng netizen na ang ama ng magkakapatid ay yumao noong August 17, 2020, samantalang ang kanilang ina ay sumama na sa iba.

Sa ngayon, ayon sa netizen, ang nakatatanda sa magkakapatid ang tanging naghahanapbuhay sa pamamagitan ng pagpapalaot sa dagat. Ito’y kahit mura pa lamang ang edad ng bata.

Pahayag ni Jopay, “Wish ko lang po na sana may mabuting puso na matulungan po ang magkakapatid na’to dahil hindi naman po sumasapat ang tulong naming magkakapit-bahay.”

Matatagpuan, aniya sa Bicol, Purok 1A, Brgy. San Roque, Mercedes, Camarines Norte ang magkakapatid. Sa mga nais tumulong ay maaaring kontakin si Jopay sa cellphone number 0938-515-3341 o sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.

Image by Jopay T De Guia via Facebook

Umani naman ng higit 1,100 reaksyon at nasa 3,900 pagbabahagi ang update habang ipino-post ito. Marami ang nahabag sa kalagayan ng mga bata.

Komento ng isa, “Kawawa talaga mga bata, Lord, tulongan ninyo po ang mga batang ito. Sana po ay may mga taong may mabubuting puso na tumulong sa kanila, Lord.”

Saad pa ng iba, “Kawawa naman, kaya ang ibang bata alaga mo na sa pagkain hindi pa halos kakain, sasayangin lang. Tapos, heto sila, nagtitiis sa kahirapan.”

Image by Jopay T De Guia via Facebook
Source :

Facebook

Loading…