Motorcycle Taxi muling aarangkada simula sa November 23

Imahe mula sa Philippine News Agency
  • Motorcycle taxi na Angkas, JoyRide at Move It pinayagan nang makapamasada ulit
  • Ang pagbabalik ng motorcycle taxi sa mga kalsada ay magsisimula sa Lunes, November 23
  • Obligado ang pagdadala ng mga pasahero ng sariling helmet na may visor
  • Required din na gawing cashless ang transaksyon sa pagbabayad ng pamasahe

Madaragdagan na ang transportasyong mapagpipilian ng mga commuters dahil aarangkada nang muli ang mga motorcycle taxi simula sa Lunes, ika-23 ng Nobyembre, matapos payagan ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang pagbiyahe.

Imahe mula sa Yugatech

Sa statement ng LTO, sinabi ng ahensya na bilang pagtalima sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arturo Tugade ay muling pinayagang ituloy ang pilot run ng motorcycle taxi matapos makapag-comply ang motorcycle taxi firms na Angkas, JoyRide at Move It sa mga patakarang itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases at ng National Task Force (NTF) Against COVID-19.

Ayon pa sa LTO, ang technical working group (TWG) para sa pilot run ng motorcycle taxi ay nakipagpulong sa tatlong kumpanya upang maipaalam sa mga ito ang mga requirements at regulasyon sa pagpapatuloy ng pilot study na isinasagawa para sa mga motorsiklo bilang isang public transportation vehicle.

Ang TWG ay kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa LTO, DOTr, Land Transportation Regulatory and Franchising Board, IATF at Philippine National Police Highway Patrol Group.

Nauna nang sinabi ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante, na namumuno sa TWG, na  kung mas maagang maka-comply ang ride-hailing operators sa itinakdang requirements ay mas maaga ang kanilang magiging pagbalik sa pamamasada.

Imahe mula sa Angkas

Kabilang sa mga itinakdang panuntunan ay ang obligadong paggamit ng NTF-approved barriers na maghihiwalay sa bikers at pasahero bilang pag-iwas sa COVID-19 transmission.

Required din para sa mga pasahero ang pagdadala ng sariling helmet na may visor na magsisilbing face shield bukod pa sa suot na face mask.

Kailangan din na gawing cashless ang pagbabayad upang malimitahan ang physical contact ng bikers at pasahero.

Imahe mula sa Angkas

Loading…