Na-miss mo na rin ba ang mga “paandar” sa loob ng jeepney?

  • Naaliw ang mga netizens sa mga “paandar” na makikita sa jeepney
  • Tinatawag itong mga kasabihan o tugmang de-gulong
  • Ang jeepney ay maituturing na pinakasikat na pampublikong sasakyan sa Pilipinas

Bahagi ng kulturang Pilipino ang mga pampublikong sasakyan. At ang pinakasikat sa mga ito, kung hindi man maituturing na “Hari ng Kalsada,” ay ang mga jeepney. Ito na yata ang pinakagamiting daluyan ng transportasyon ng masa, lalo na sa mga kalunsuran.

At kung napag-uusapan na rin lamang ang convenience na dulot ng mga jeepney, isa sa mga nagpapatingkad diyan ang mga “paandar” o ang mga kasabihang makikita sa loob at labas nito. Sa panitikan, tinatawag itong mga “tugmang de-gulong.” Iyan ang binalikan sa Facebook page na “Memories of Old Manila” na ibinahagi ni Thor Reyes.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila / Public Domain Image

“Nakakamiss din naman ang mga nakikita nating mga ‘paandar’ ng mga jeepney drivers noong araw tulad na lang nito, kapag sumasakay tayo sa kanilang mga pamasadang jeepneys,” ayon sa caption ng post. Kalakip nito ang isang larawan sa loob ng jeepney. Mababasa ang paandar na “I’m not responsible for anything lost inside this vehicle including virginity.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens, lalo na ang mga namiss nang sumakay sa jeepney na nahinto dahil sa mga health protocols kaugnay ng pag-iwas sa COVID-19 pandemic. Marami sa kanila ang nagbahagi pa ng ibang mga paandar sa mga jeepneys.

“Syempre, wala namang makakatalo sa God knows HUDAS not pay!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ilalaban ko riyan ang paborito kong Basta driver, Sweet lover at Barya Lang po sa Umaga! Nakakamiss na sumakay sa jeepney, guys!”

“Oo nga ang daming mga nakasabit sa loob mg jeep na kasabihan… pero gusto ko sa lahat iyong Upong Sexy Lang po at Maluwag Pa Galing Japan!” saad naman ng isa.

Wika naman ng isa, “Natatawa talaga ako kapag naaalala ko yung signage na Hindi Ikaw si Kaka Kaya Huwag Kang Bumukaka saka Kapag Sexy Libre , Kapag Mataba Doble. Ang harsh! Hahaha.”

Public Domain Image

Ikaw, anong tugmang de-gulong, kasabihan, o paandar sa jeepney ang nagustuhan mo?

Loading…