Nakasakay ka na ba sa balsang gawa sa puno ng saging?

  • Nagdulot ng nostalgia ang isang larawan
  • Ito ay ang paggawa ng balsa sa pamamagitan ng mga puno ng saging
  • Kadalasan itong laruan ng kabataan noon

Isa sa mga nakasanayan ng mga bata noon ang paglalaro at paliligo sa ilalim ng buhos ng ulan. Sa mga batang malapit sa tabing-ilog, sapa, o dagat, isang karaniwang laro ang pagsakay sa mga “improvised” na sasakyang pantubig, kagaya na lamang ng balsa.

Kaya naman, nagdulot ng pagkaaliw at nostalgia sa mga netizens ang isang larawang ibinahagi sa Facebook page na “Batang Pinoy-Ngayon at Noon Chapter 2” na nagpapakita ng mga batang gumagawa ng balsa na yari sa mga puno ng saging. Ang balsa ay salitang Espanyol na nangangahulugang “small raft” o maliit na bangka.

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon

“Kaway-kaway sa mga gumawa ng balsa dati,” saad sa caption.

At syempre pa, hindi maaaring wala sa mga netizens ang hindi pa nakaranas nito. Nagbahagi sila ng kanilang mga karanasang hindi malilimutan.

“Gumagawa kami niyan noon at nagpapaanod sa ilog. Kay sarap talagang balikan ng alaala ng kabataan noon,” sabi ng isa.

Wika naman ng isa, “Ganiyan kami noong aking kabataan kasi malapit lang ang bahay namin sa ilog. Kapag walang puno ng saging, kawayan ang ginagamit namin para mas matibay.”

“Hay naku those were the days… relate ako kasi sobrang binabaha sa lugar namin, minsa umaabot hanggang baywang ang antas ng tubig, kaya kailangan talagang gumawa ng balsa, more than sa laro lang,” pagbabahagi naman ng isa.

Salaysay naman ng isa, “Yes the best! Ang nature is one of the best gifs  of GOD to us. Sarap ng feeling kapag naaalala ang mga nakalipas. Masasabi kong masuwerte tayo noon kaysa mga bata ngayon, na hindi na masyadong makakalabas-labas because of this pandemic.”

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon

Ang paggawa ng balsa ay mula sa talaksan o pinagdikit-dikit na puno ng saging o mas madalas ay puno ng kawayan sa pamamagitan ng mga lubid. Bukod sa laruan, mas madalas ay ginagamit ito ng mga mangingisda para sa kanilang hanapbuhay.

Loading…