“Napakahirap pero lahat worth it!” Aktres na si Ryza Cenon nanganak na

  • Nagsilang na si Ryza Cenon
  • Pinangalanan nila itong “Baby Night”
  • Makikita ito sa kaniyang Instagram account

Habang nananalasa ang bagyong si “Rolly” at ginugunita naman ang All Saint’s Day, ibinalita ng aktres na si Ryza Cenon ang pagsilang niya sa kaniyang panganay na anak nitong Oktubre 31, 2020.

Makikita sa Instagram post ni Ryza ang “black and white” photo ng kamay ng kaniyang baby, na nakahawak naman sa kamay ng isang adult, na maaaring sa aktres. Nakalagay ang caption na “Napakahirap pero lahat worth it! Welcome Baby Night!”

Imahe mula sa Instagram account ni Ryza Cenon

Ilan naman sa mga naunang nagkomento at bumati sa kaniya ang mga celebrity na sina Ara Mina, Hero Angeles, Eula Valdez, Dawn Zulueta, Isabel Oli-Prats, Vaness Del Moral, Cai Cortez, singer na si Maricris Garcia, at direktor/aktres na si Gina Alajar.

Ayon sa panayam ng Philippine Entertainment Portal o PEP, hindi niya umano napigilang maluha nang masilayan ang kaniyang first-born baby. Nawala umano ang lahat ng pagod at sakit na naramdaman niya. Salaysay niya, 13 oras siyang nag-labor. Kapag natitigil umano siya sa pag-iri, “bumabalik” ang bata sa loob ng kaniyang sinapupunan.

Pinangalanan nila ang kanilang baby boy na “Night” na naisilang niya sa pamamagitan ng normal delivery sa St. Luke’s Medical Center. May timbang itong  2.68 kilograms.

Matatandaang noong Hulyo 2020, inanunsyo ni Ryza na may bundle of joy silang paparating ng boyfriend na si Miguel Antonio Cruz na isang cinematographer. Noong Agosto, kinakiligan ang Instagram post ni Ryza sa kaniyang mensahe para kay Cruz.

“Flex ko lang sa katabi ko. Dada thank you for everything. Sa mahabang pasensiya sa mood ko at sa support mo sa akin and lalo na sa love na binibigay mo sa amin ni baby boy. We’re lucky to have you super responsible mo sa lahat, kahit napaka-busy mo sa work lagi kang nariyan para sa amin. Thank you so much. We love you Dada,” ayon sa caption ng IG post ni Ryza.

Imahe mula sa Instagram account ni Ryza Cenon

Ang huling proyektong ginawa ni Ryza ay “The General’s Daughter” sa kaniyang paglipat sa ABS-CBN. Dito rin niya nakilala si Cruz. Nitong Enero ng 2020 lamang sila naging magkasintahan kaya marami ang nagulat.

Congratulations, Ryza! Welcome to the world, Baby Night!

Imahe mula sa Instagram account ni Ryza Cenon

Loading…