Natikman mo na ba ang ginataang lubi-lubi?

  • Natakam ang mga netizens sa isang uri ng ulam na tipikal sa Bicol
  • Ito ay tinatawag na “ginataang lubi-lubi”
  • Ang lubi-lubi ay isang uri ng halamang-gamot

“Enero, Pebrero, Marso, Abril Mayo… Hunyo, Hulyo, Agosto! Setyembre, Oktubre! Nobyembre, Disyembre… Lubi-lubi!”

Kung inawit mo ang awiting-bayan na iyan, ang pamagat niyan ay “Lubi-Lubi.” Subalit alam mo bang may isang uri ng ulam mula sa lalawigan ng Bicol na tinatawag na “ginataang lubi-lubi?” Iyan ang pinag-usapan sa Facebook page ng Pasacao, Camarines Sur.

Imahe mula sa Facebook page ng Pasacao, Camarines Sur

“Oooy!!! Ilang taon ka na? Huwag mong sabihing hindi mo pa natikman ang gulay na ginataang LUBI-LUBI… TARA NA, pasyal ka sa amin sa Bicol!” saad sa Facebook post.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Wow, inuulam din pala! Ang alam ko kasi halamang-gamot ‘yan,” turan ng isa.

Sabi ng isa, “Niyog-niyugan tawag dito sa amin sa Aklan masarap talaga ‘yang gataan. Tapos yung dahon niyan, maraming health benefits.”

“Yes! Yummy po iyan. Sa Camarines Sur, tipikal lang ‘yan,” wika naman ng isa.

Ang lubi-lubi ay isang maliit lang na halaman na may mga berdeng sanga, at pangkaraniwang dahon na patulis sa dulo. Ang mga bulaklak ay kulay-puti at ang bunga ay maliliit na bilog at kulay-itim o lila. Karaniwan itong tumutubo saan mang lugar sa Pilipinas.

Ang iba’t ibang bahagi ng lubi-lubi ay maaaring makuhanan ng ilang uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan. Ang buong halaman ay makukuhanan ng substansyang solanine at tropeine. Makukuhanan din ito ng alkaloids, saponins, tannins, flavonoids, at proteins.

Public Domain Image

Ang bunga ay mayaman naman sa calcium, iron at phosphorus. Ang dahon ay may taglay namang coumaric acid, quercitin, catechol, caffeic acid, gallic acid, at protocatechnic acid. Ang hilaw na bunga ay maaaring ipantapal sa balat. Maaari namang ilaga upang inumin, at dikdikin upang ipantapal sa ilang kondisyon ang mga dahon nito at ugat nito.

Loading…