
- Pinasasampahan na ng
kaso ng NBI sa Ombudsman ang 86 empleyado ng BI na sangkot umano sa ‘pastillas scheme’ - Kasama rito ang walong matataas na opisyal na kabilang sa ‘core group’ ng modus
- Nagbanta na rin si Pangulong Duterte na ‘pakakainin niya ng pera’ ang mga sangkot sa scheme
Nagsampa ng kaukulang reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 86 na Immigration officials na diumano’y sangkot sa tinatawag na ‘pastllas scheme’.
Inirekomenda ng NBI Special Action Unit (NBI – SAU) sa Office of the Ombudsman ang pagsampa ng kasong criminal at administratibo kontra sa 86 katao kabilang na ang walong matataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na kabilang sa ‘core group’ ng modus na pinaniwalaang kumita ng bilyong piso.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay NBI -SAU chief Jun Dongallo, sinabi ng opisyal na dati ay 40 katao lamang ang kanilang nasa inisyal na listahan subalit nadagdagan umano ito base sa naging salaysay nina whistleblower Jeffrey Dale Ignacio at Allison Chong.
Si Ignacio ay siyang nagturo kay kay dating BI Deputy Commissioner Marc Red Mariñas bilang utak umano ng ‘pastillas scheme’ kasama ang iba pang matataas na opisyal. Kaagad namang pinabulaanan ni Mariñas ang alegasyong ito.
Nais na ipasailalim ng NBI sa preventive suspension ang 86 empleyado ng BI upang hindi umano maimpluwensiyahan ang paglilitis at imbestigasyon sa kanila.
Nitong katapusan ng Oktubre, sinuspinde na rin ng Ombudsman ang 44 katao dahil sa pagkakasangkot sa modus kabilang na si Ignacio na isa ring dating empleyado ng BI.

Noong Lunes, binantaan rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sangkot sa modus na ‘pakakainin’ umano niya ito ng pera.
“Kung mahilig ka sa pera papakain ko sa ‘yo, ipapakain ko talaga sa iyo. Iyan ako. You will eat money in front of me. ‘Yan ang style ko,” banta ng president.
Ang ‘pastillas scheme’ ay unang ibinunyag noong Pebrero. Sangkot sa scam ang ilang empleyado ng Immigration na diumano’y tumatanggap ng lagay mula sa mga Chinese nationals na dumarating sa bansa kapalit ang VIP treatment.