NDRRMC iginiit na nagbigay sila ng sapat na babala bago ang pananalasa ni ‘Ulysses’

Imahe mula sa Facebook post ng 91.1 Pacman Radio- Gensan/Gabriel Nerbes Siat
  • Iginiit ng NDRRMC na naglabas sila ng sapat na babala sa publiko bago pa man ang bagyo
  • Marami lang daw talaga ang hindi sumunod sa warning at piniling sundin ang kanilang pakiramdam kaysa sa babala ng PAGASA
  • Inamin naman ni Lorenzana na lubhang napakalaki ng iniwang pinsala ni Ulysses sa Kamaynilaan

Iginiit ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagbigay sila ng sapat na babala sa publiko bago pa man ang pananalasa ng bagyong Ulysses sa Kamaynilaan at ibang bahagi ng Luzon nitong Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng gabi.

Ito ay sa kabila ng daan-daang residente na nakulong sa kanilang mga bahay matapos ang biglang pagtaas ng tubig dahil sa malakas na pag-ulang dala ng bagyo.

Imahe mula sa Facebook – The Filipino Times

Sa ginanap na press conference nitong Huwebes, nanindigan si Office of Civil Defense (OCD) deputy director for operations Assistant Secretary Casiano Monilla na nagpalabas na sila ng warning upang lumikas ang mga residente sa mga lugar na posibleng bahain subalit pinili umano ng karamihan na sundin na lamang ang kanilang pakiramdam.

Ang NDRRMC ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng OCD na sangay ng Department of National Defense (DND).

“Patuloy ang paglilikas natin but since yesterday or even the other day, inililikas na ang ating mga kababayan especially doon sa traditionally naaapektuhan ng bagyo. We were not caught flat-footed dito sa event na ito,” paliwanag ni Monilla.

Imahe mula sa Brigada News FM Batangas-Facebook

Kumalat sa social media ang larawang ng maraming residente na humihingi ng saklolo upang sila ay ma-rescue sa biglang pagtaas ng tubig.

Binaha rin umano ng tawag ang NDRRMC operations center mula sa mga humihingi ng tulong na ang karamihan ay taga-Marikina, Pasig City, at Rizal at ilan sa kanila ay nasa bubong na ng kanilang mga nalubog na bahay.

Sa kabila nito, iginiit ni Monilla na hindi sila nagkulang ng paalala sa publiko hinggil sa epekto ng parating na bagyo.

“Kung minsan lang kasi, kapag nag-ikot ang local officials ay hindi kaagad sumusunod ang mga kababayan. Mas nagrerely tayo kung ano ang ating nararamdaman, kung ano ang prevailing na situation na nararamdaman other than the advice na ibinibigay ng PAGASA,” ayon pa sa opisyal.

Imahe mula sa Stand For Truth-Facebook

Ayon pa kay Monilla, humingi na rin sila ng tulong sa AFP at PNP upang patuloy na saklolohan ang mga naapektuhang residente.

Samantala, inamin naman ni Defense Secretary na lubhang malaki talaga ang pinsalang dulot ni Ulysses.

“Huge damage. Totally flooded villages, low-lying areas flooded, blown-off structures,” ani Lorenzana sa isang hiwalay na panayam.

Na-brief na rin umano niya si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol dito, ayon pa sa kalihim.

Loading…