Netizen may tips sa pagbibigay ng mga donasyong damit

  • May tips ang isang netizen hinggil sa pagbibigay ng donasyong damit
  • Mas mainam daw kung nakabukod-bukod ito at may label
  • Huwag na rin daw magsama ng mga damit na hindi naman magagamit

Sa magkakasunod na pananalasa ng bagyo, marami sa ating mga kababayang may mabubuting puso ang nagbibigay ng kanilang mga donasyong damit, na isa sa mga pangangailangan ng tao.

Nagbigay ng tips ang isang netizen na nagngangalang “Jaren Feliciano” sa pamamagitan ng Facebook post bilang paalala sa mga magbibigay ng donasyon na damit o mga saplot, na pagbukod-bukurin ito at lagyan ng label upang hindi magkalituhan at mahirapan ang mga volunteers na magbibigay nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Jaren Feliciano / Public Domain Image

“Para sa mga nais mag-donate ng kanilang mga damit, mas maigi po na lagyan natin ng ‘label’ ang mga ipamimigay po natin para hindi po mahirapan maghiwalay o mamili ang mga volunteers sa evacuation centers. Halimbawa po ito ng mga ipinadala nating damit sa Bicol,” ayon sa kaniyang post.

May pakiusap naman ang netizen.

“Pakiusap rin po na huwag na po isama ang mga hindi mapapakinabangan tulad ng gown, barong, old school uniform, butas-butas na underwear, etc. Lagi po nating ilagay ang mga paa natin sa sapatos ng iba kapag tayo ay tutulong. Babangon tayo.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Yes tama naman! Baka mangyari na naman yung mga nakakatawang pictorial noong nagbigay ng relief sa mga naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Yes I agree. Yung iba kasi masabi lang na nag-donate. Ang totoo niyan, nagde-declutter lang sila ng mga ayaw na nilang damit. Yung maayos naman po ang ibigay natin sa mga kababayan natin.”

“Naalala ko ulit yung sa Batangas kahit gown pinatos. Keep safe!” pahayag naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Jaren Feliciano / Public Domain Image

Pagkatapos ng Rolly ay muli na namang hinagupit ang bansa ng bagyong Ulysses. Naapektuhan nito ang mga lalawigan sa Luzon. Ayon sa PAGASA, tinatayang may apat na bagyo pang parating bago matapos ang 2020 kaya maghanda-handa na raw.

Loading…