NIA iginiit na hindi pangunahing sanhi ng pagbaha sa Cagayan Valley ang pagbukas ng Magat Dam gates

Screenshot mula sa video via Twitter
  • Iginiit ni NIA director Ricardo Visaya na hindi pangunahing dahilan ng pagbaha sa Cagayan at Isabela ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam
  • Sinabi ni Visaya na dapat ding silipin kung naipatutupad ang mga batas kontra illegal logging, quarrying at mining
  • Ipinaliwang rin niya na ang pagpapakawala ng tubig sa kasagsagan ng bagyo ay kailangan upang maiwasan ang dam break na mas malaking pinsala ang idudulot kung mangyayari

Iginiit ni Ricardo Visaya, ang hepe ng National Irrigation Administration (NIA) na hindi ang pagbukas ng mga water gates ng Magat Dam ang pangunahing dahilan ng grabeng pagbaha sa Cagayan at Isabela noong tumama sa Luzon ang bagyong Ulysses.

Imahe mula sa NIA

Sa joint hearing ng House agriculture committee at ng special committee on the North Luzon Growth Quadrangle nitong Martes, November 24, sinabi ni NIA director Visaya na dapat ding silipin ang illegal mining, logging, quarrying at iba pang mga katulad na ipinagbabawal na aktibidad.

“It’s very clear that the contribution of Magat Dam sa flooding ng Cagayan was not really the major cause. We have to look into the other factors that could have contributed to the flooding in Cagayan,” paliwanag niya.

Sinabi pa niya na ang mga pagbaha ay maiiwasan kung naipatutupad nang maayos ang mga batas kontra illegal logging, quarrying at mining.

Ipinaliwanag rin niya na ang pagpapakawala ng tubig sa kasagsagan ng bagyo ay kailangan upang maiwasan ang dam break na mas malaking pinsala ang idudulot kung mangyayari.

Sinabi rin niya na walang flood control function ang Magat Dam. Aniya, para lang iyon sa irrigation. Pero sa kabila niyon ay gumagawa pa rin sila ng paraan upang maibsan ang mga pagbaha.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Wala pong function ‘yan flood ng control. It’s only for irrigation. ‘Yung Magat Dam natin, kahit walang flood control function, we are trying our best na maka-mitigate pa ng baha. That’s part of our protocol nga eh, kaya ‘yung mga nire-release po na tubig ng Magat will be lower than the inflow. Kasi kung inflow is equal to outflow, talagang dire-diretso ‘yun. Mas delikado po ‘yun,” aniya.

Milyun-milyong mamamayan daw ang maaapektuhan kapag may naganap na dam break.

Imahe mula sa CNNPH

Loading…