NLEX tollgates sa Pampanga hinarangan ng mga dambuhalang quarry trucks

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Mga 12-wheeler quarry trucks ibinalandra sa siyam na tollgate ng NLEX sa Pampanga
  • Ang ginawa ng mga truckers ay isang protesta sa hindi pagpapapasok sa kanila sa expressway
  • Nakiusap na rin si Pampanga Gov. Dennis Pineda sa NLEX management na payagan na ang mga 12-wheeler trucks na dumaan sa NLEX

Nagdulot ng malaking abala sa mga motorista ang ginawang pagharang ng mga malalaking 12-wheeler trucks sa entry at exit points ng North Luzon Expressway sa Pampanga.

Screenshot mula sa DZBB video

Sinimulang barikadahan ng aabot sa 150 quarry trucks ang siyam na tollgate ng NLEX nitong Sabado, November 7, dakong alas-sais ng umaga.Kabilang dito ang San Simon, San Fernando, Mexico, Angeles, Dau at Mabiga.

Tumagal ito ng dalawang oras na nagdulot ng abala sa mga motorista at mga commuters.

Ang ginawa ng mga miyembro ng Pampanga Truckers Association ay isang protesta sa polisiya ng NLEX management na ipagbawal ang mga 12-wheeler trucks na dumaan sa expressway dahil umano sa overloading.

Ayon kay Lennard Lansang, president ng Pampanga Truckers Association, noong Agosto pa sila nakikipag negosasyon sa NLEX management ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari sa kanilang pag-uusap.

Maging si Pampanga Governor Dennis Pineda ay namagitan na upang tulungan ang mga truckers. Pinakiusapan rin niya ang mga ito na i-pullout na ang mga hinarang na trucks dahil marami ang naapektuhan.

“Siguro ipinakita lang nila ang pagbabale-wala ng NLEX management sa mga truckers natin. Hindi na lang nila inisip na sa kada araw na binabagalan nila ang pagbigay ng solusyon sa problema dito, ang daming nahihirapan, ang daming nagugutom na truck drivers na hindi makabiyahe dahil sa bagal ng sistema ng NLEX,” sabi ni Gov. Pineda.

Imahe mula sa Pampanga PIO

Aniya, nasa 2,000 quarry trucks ang bumibiyahe mula Pampanga patungong Metro Manila araw-araw.

Handa naman daw sumunod ang mga truckers sa patakarang nais ipatupad ng NLEX.

“Sabi nila bibigyan nila ng permit ang lahat ng nag-cut ng sidings, until now wala pa rin po. Willing na lahat po sumunod sa gusto nila, pero timbang na lang ang pinag-uusapan, dapat pa ho pa ba tayong tumagal ng buwan sa pag-uusap? Papaano ho ang ekonomiya ng Pampanga? Papaano ang pangangailangan ng Metro Manila sa mga goods na dala-dala ng mga truckers na ito,” anang gobernador.

Imahe mula sa Pampanga PIO

Noong Agosto, naglabas ng advisory ang NLEX Corporation hinggil sa pagsasaayos ng Candaba Viaduct. Dahil dito ay kailangan umanong i-regulate ang pagpasok sa NLEX ng mga overloaded 12-wheeler trucks.

Imahe mula sa NLEX Corporation
Source :

ABS-CBN, Inquirer

Loading…