PAGASA iginiit na may abiso sila sa mga residente malapit sa Cagayan river bago binuksan ang Magat Dam

Imahe mula sa Bombo Radyo
  • Iginiit ng PAGASA na nagbigay sila ng sapat na abiso bago pa man magpakawala ng tubig ang Magat Dam
  • Lahat umano ng paraan ay ginawa nila para maiparating sa tao ang impormasyon
  • Maging ang NIA ay gumamit raw ng iba’t-ibang medium upang maibahagi ang sitwasyon ng dam

Iginiit ng isang opisyal ng PAGASA na naglabas sila ng sapat na abiso sa mga residenteng naninirahan malapit sa Cagayan River para ipaalam sa mga ito ang posibleng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam dahil sa ulang dala ng bagyong ‘Ulysses’.

Sa panayam ng dzBB kay PAGASA hydrologist Edgar dela Cruz, sinabi ng opisyal na pumunta pa umano sa lugar upang ipakalat ang advisory.

Imahe mula sa Facebook/Ej Badillo Belvis

“‘Yung dam po kasi bago po ‘yan mag-release, ahead of time, ilang oras bago po ‘yan nagri-release, mga walo o 10 oras,  talaga pong umiikot ‘yan na meron mga mobile car na umiikot nag-aanunsyo,” paliwanag ni Cruz.

Hindi umano sila nagkulang ng paalala dahil maging sa social media ay ibinahagi nila ito bago pa man magpakawala ng tubig ang Magat Dam.

“’Yung mga local talaga pong alam nila. At ‘yung binibigyan nilang abiso, pinapasok naman namin sa website namin, sa Facebook, sa Twitter. Lahat talagang ginagawa naman po ng paraan para makarating sa tao,” ani Cruz.

Imahe mula sa Facebook-Cagayan Post

Libo-libong residente na naninirahan malapit sa Cagayan River ang na-trap sa kanilang mga bahay dahil sa biglang pag-apaw ng ilog.

Maging ang National Irrigation Administration (NIA) ay sinabi rin na naglabas sila ng advisory sa kanilang Facebook page dalawang araw bago buksan ang Magat Dam.

Ayon sa NIA-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) gumamit sila ng iba’t-ibang medium tulad ng TV, radio, print media, social media, emails, text messaging at sirens para ipamahagi ang nabanggit na impormasyon hinggil sa sitwasyon ng Dam.

Screenshot mula sa Facebook-NIA MARIIS

Ibinahagi kamakailan ni Cagayan Governor Manuel Mamba na hinihikayat siya ng kaniyang mga constituents na sampahan ng reklamo ang management ng Magat Dam dahil sa halos taun-taong pagdurusa nila mula sa pagpapakawala ng tubig.

“Minsan ang tao sa Cagayan, gusto nila magkaron ng lawsuit against them [Magat Dam] for damages dahil wala naman kami nakikita sa Magat Dam o kahit ano, yet we suffer the flooding woes from the Magat Dam every year,” ayon sa gobernador.

Loading…