Pagbabalik ng face-to-face classes huwag madaliin – DILG Sec. Año

Screenshot mula sa UNTV video
  • DILG Sec. Año mariing tumututol sa panawagang ibalik na ang face-to-face classes
  • Hindi raw dapat minamadali ang pagbabalik ng physical classes dahil malaki ang posibilidad na tumaas ang bilang ng mga COVID-19 infections sa bansa
  • Dapat daw sundin si Pangulong Duterte na nagsabing walang papayagang face-to-face classes hanggang December 2020

Mariing tinututulan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga panawagan na ibalik na ang physical o face-to-face classes dahil malaki umano ang posibilidad na magsanhi ito ng biglang pagdami ng mga bagong kaso ng Covid-19 infections.

Imahe mula sa PNA

Hindi raw dapat minamadali ang pagbabalik ng face-to-face classes lalo na’t mahigit isang libong Pilipino pa rin ang nagpopositibo sa coronavirus kada araw.

Aniya, hindi naman ang mga nagpapanukala ng pagbabalik nito ang mananagot sakaling dumami ang COVID-19 cases dahil sa pagbabalik ng mga estudyante sa mga paaralan.

“Ang sinasabi natin, huwag na lang natin munang i-rush. Kasi ang tanong diyan, ikaw gusto mong gawin ‘yan pero sino ba ang responsable diyan? Ikaw ba? Ang galing mong magrekomenda pero wala ka naman palang responsibilidad diyan,” anang kalihim.

“Kung magkasakit at magkaroon ng spike, ikaw ba ang gagamot diyan, ikaw ba magsasagot ng gastos diyan? Pangalawa, sino’ng magiging accountable?” tanong pa niya.

Sa hearing na ginawa ng Senado noong nakaraang linggo, ipinahayag ni Senator Sherwin Gatchalian, ang chairman ng Senate Committee on Basic Education, ang suporta niya sa localized at limited face-to-face classes upang maibsan ang bigat na pinapasan ng mga magulang na kulang  ang kakayahan na maturuan sa bahay ang kanilang mga anak.

Imahe mula sa PNA

Paliwanag ng senador, kung ang mga massage parlor ay pinayagan nang makapag-operate, pabor din umano siya sa limited face-to-face classes dahil gumaganda na ang sitwasyon sa ilang lugar.

Katulad niya, nanawagan din si Senator Imee Marcos na ibalik na ang face-to-face classes. Aniya, kung ang mga sabungan ay pinayagan nang magbukas, lalong dapat payagan ang pagbabalik ng physical classes. Mas mahalaga umano ang edukasyon kaysa sa sabong.

Sa kabila ng mga rason ng mga senador, iginigiit ni Sec. Año na kapag bumalik sa paaralan ang milyun-milyong mga estudyante ay magiging napakahirap nang ipatupad ang minimum health standards.

Imahe mula sa Sport Betting

“Kapag sinabi mong face-to-face na ‘yung mga estudyante, you’re talking of millions of students, so wala ka nang kontrol diyan kapag sinabi mong face-to-face. Kapag sinabi mo namang selected, ano naman ang criteria mo?” aaniya.

Dapat daw sundin ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang papayagang face-to-face classes hanggang December 2020.

Loading…