Pagkakalbo ng mga bundok isinisi ni Pangulong Duterte sa mga ‘squatters’

Screenshot mula RTVM Facebook
  • Isa umano ang mga ‘squatters’ sa dahilan ng pagkakalbo ng mga bundok at kagubatan, ayon sa Pangulo
  • Wala raw kasi silang pambili ng semento kaya kahoy ang karaniwang ginagamit para magtayo ng bahay
  • Nais rin ng Pangulo na magtayo ng mas matitibay na evacuation centers

Ang mga mahihirap na Pilipino umano ay isa sa mga dapat sisihin dahil sa patuloy na pagkakalbo ng mga bundok at kagubatan sa bansa na siyang nagiging sanhi ng malawakang pagbaha, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kaniyang televised Cabinet briefing na isinahimpapawid Martes ng gabi, sinabi ng presidente na ang mga mahihirap na komunidad kasi ang siyang madalas gumagamit ng kahoy dahil wala naman silang pambili ng semento.

Imahe mula sa PNA

“‘Yong average Pilipino, they cannot afford a concrete house so halos lahat dyan, let us use the word being understood by all, ‘yang mga squatters, puro kahoy ‘yan. Bibili ‘yan including coconut wood,” bahagi ng Pangulo.

Ang mga kahoy daw kasi ang karaniwang ginagawang bahay ng mga Pilipino kaya hindi nito maiwasang magputol ng puno para ibaba mula sa kabundukan.

“Ang problema niyan sa bukid talagang magpuputol ‘yan ng kahoy because ang mga Pilipino, ‘yan lang. Saan naman sila kukuha ng semento? Where do they cut the trees? In Canada? Or pupunta pa sila sa South America o Africa?” patuloy pa ni Duterte.

Imahe mula sa BGU

Inamin din ng Pangulo na nahihirapan din talaga ang gobyerno na masugpo ang malawakang illegal logging sa iba’t-ibang panig nga bansa.

Samantala, ibinahagi rin ni Duterte na nais niyang magpatayo ng mas matibay na mga evacuation centers kung saan maaaring sumilong ang mga tao sa oras ng kalamidad tulad ng nangyari nitong mga nagdaang bagyong Rolly at Ulysses.

“We build a structure stronger than a typhoon that would come their way para mapuntahan ng mga tao. Small rooms with many comfort rooms where people can really stay for a while,” anang Pangulo.

Imahe mula sa PNA

Dahil dito, hiniling ng presidente sa Kongreso na maglaan ng kaukulang budget para sa proyektong ito.

Halos magkasunod na nanalanta ang bagyong Rolly at Ulysses sa Bikol, Kamaynilaan at Northern Luzon na nag-iwan ng bilyon-bilyong pinsala sa agrikultura, istruktura at kabuhayan ng mga naapektuhang pamilya.

Loading…