Pagpaparetoke, tanggap na nga ba ng mga Pilipino?

  • Big deal ba sa iyo ang pagpaparetoke?
  • Ito ay ang pagsasailalim sa plastic surgery o medical procedure 
  • Ginagawa ito kung may nais ipabago sa katawan

“Kung bibigyan ka ng pagkakataong baguhin ang isang bahagi ng iyong katawan, ano ang pipiliin mo at bakit?”

Marahil, kahit hindi naman tayo naging kalahok sa “Miss Universe” at ibang beauty pageant, minsan sa buhay natin ay naitanong na sa atin ang “one million dollar question” na ito: na kung mabibigyan lamang ng kapangyarihan o pagkakataon, na maaari nating baguhin ang ating ilong, o mga labi, hugis ng mata, kulay ng balat, at lahat ng mga bahagi ng katawan natin na nais nating tapyasan, dagdagan, o pagandahin pa.

Public Domain Image

Diyan papasok ang tinatawag na “pagpaparetoke” na maaari ding tawagin sa iba’t ibang terminong medikal at makaagham gaya ng “cosmetic surgery,” “enhancement,” “reassignment,” at marami pang iba.

Gaano na nga ba kabukas ang isipan ng mga Pilipino pagdating sa konsepto ng “Salamat po, Dok?”

Kung tatanungin si Melba, 38 taong gulang, pabor na pabor siya rito. Katwiran niya, kung may pera naman at wala namang tinatapakang ibang tao, bakit hindi gawin ang mga bagay na makapagpapaligaya sa iyo.

“Go lang! Basta hindi mo naman ninakaw ang pera, bakit hindi ka magparetoke? Ako nga dumaan na sa nose lift kasi gusto ko talagang tumangos ang ilong ko eh. Sabi nga, hindi ka naman pangit, wala ka lang pera…” paliwanag ni Melba.

Kung makakaipon pa raw siya, marami pa raw siyang nais ipadagdag at ipabawas sa kaniya katawan. Nais daw niyang pakapalan pa ang kaniyang mga labi, at pabawasan nang kaunti ang tambok ng kaniyang pisngi. Gusto raw niyang maging kamukha ang idolong si “Angelina Jolie.”

Para naman kay Julia, 25 taong gulang, hindi na dapat pang baguhin ang mga bagay na ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Sarat man ang naging ilong mo, o may kahabaan ang iyong baba, hindi raw dapat itong ikahiya sapagkat lahat ng nilalang sa daigdig ay may kani-kaniyang katangian at kagandahan.

Public Domain Image

“Hindi ko sinasabing huwag ka nang mag-ayos. Pero para sa akin kasi, dapat matuto tayong mahalin ang mga sarili natin, kahit na anoman ang anyo natin. Para kasi nating kinukwestyon si Lord kung bakit ganito ang ilong ko, ang bibig ko, ang dibdib ko. Just let it be. We are beautiful no matter what they say, sabi nga sa kanta,” paliwanag niya.

Kaya naman halo-halo ang nagiging reaksyon ng mga tao kapag nakikita nila ang mga sikat na celebrity na dumaraan sa mga medical procedures upang mas mapaganda pa ang kani-kanilang mga sarili. Sabi nga, kung masaya ka sa iyong sarili, kusa itong lilitaw sa iyong aura. Para sa ilan, ang pagpaparetoke ay isang paraan upang mapataas ang kumpiyansa o pagtitiwala sa sarili.

Ayon sa pag-aaral ng American Academy of Facial Plastic and Reconstructive Surgery noong 2016, malaki ang itinaas na bilang ng mga taong sumasailalim sa plastic surgery, mula sa edad na 13 hanggang 29, dahil na rin sa impluwensiya ng “social media” na masyadong biswal.

Isa raw sa mga lumutang na dahilan nila ay ang pagpapaayos sa bahagi ng katawan na pinagmumulan ng pambubuska o panlalait mula sa ibang tao (bullying sa Ingles).

Isa sa mga celebrity na dumaan sa matinding transpormasyon na dumaan sa mga medical procedure ay si Marlou Arizala na kilala na ngayon bilang Xandor Ford, na naitampok pa ang journey nito sa news magazine show ni Korina Sanchez na “Rated K” sa ABS-CBN noong 2017.

Imahe mula sa Star Image Management / Public Domain Image

Ikaw, pabor ka ba sa pagpaparetoke?

Loading…