Pagpupugay kay April Boy Regino ng “April Boys”

  • Binigyang-pugay ng mga netizens si “Idol” April Boy Regino na nagpasikat ng mga novelty love songs
  • Bago maging solo artist, siya at ang mga kapatid niyang sina Vingo at Jimmy ay tinatawag na “April Boys”
  • Nitong Nobyembre 29, 2020, ikinagulat ng lahat ang balita ng kaniyang pagpanaw

“Di ko kayang tanggapin! Na mawawala ka na sa akin. Napakasakit na marinig, na ayaw mo na sa akin! Hapdi at kirot, ang dulot sa ‘king damdamin. Di ko na kayang mabuhay sa mundo, kung mawawala ka… sa piling ko!”

Kung pamilyar sa iyo ang mga lyrics na iyan, minsan nang nakanta sa videoke, kasabay ang trademark na mga aksyon nito, iyan ay pinasikat ni “April Boy Regino” (Dennis Regino Magloyuan Magdaraog sa tunay na pangalan) na nitong Nobyembre 29, 2020 ay sumakabilang-buhay na, ayon sa Facebook post ng kapatid nitong si Vingo Regino.

Imahe mula sa Facebook account ni Vingo Regino

“Nakakalungkot naman ang araw na ito… wala na ang Kuya April Boy ko…” saad ng kaniyang caption; bagay na ikinabigla naman ng mga netizens, dahil kamakailan lamang ay pinag-usapan at napa-throwback pa ang ilan, sa mga hit songs ng “April Boys” sa Facebook page na “Batang Pinoy-Ngayon at Noon.”

Sa ibinahaging post ng maybahay nitong si Madelyn Regino, mababasa ang mga ininda nitong karamdaman na nauwi sa pamamaalam nito sa mundo sa ganap na 3:08 ng madaling araw nitong Nobyembre 29. Siya ay 59 taong gulang.

Noong 2014, pansamantalang nilisan ni April Boy ang  show business matapos niyang ma-diagnose na may mabigat na karamdaman sa prostate. Sa panayam sa kaniya ng “Startalk” ng GMA Network, sinabi niyang napagtagumpayan na niya ito, subalit naapektuhan naman nito ang kaniyang puso.

Noong 2015, na-diagnose naman siya na may Diabetic retinopathy na nagdulot ng pagkabulag sa kaniyang kaliwang mata.

Bumuhos ang pakikiramay, kalungkutan, at pagbibigay-pugay sa social media para kay April Boy Regino na nakilala sa kaniyang mahabang buhok at paghahagis ng sumbrero sa live audience kapag kumakanta ng kaniyang mga hit songs. Pumatok ang kaniyang mga kanta dahil nakuha niya ang kiliti ng masa. Tinatawag din siyang “Idol.”

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy-Noon at Ngayon

“Sobrang nakaka-sad na balita ito. My sincerest and deepest condolences po, Sir Idol,” saad ng isa.

Turan naman ng isa, “Parang kailan lang, nagkomento pa ako sa isang Facebook page, kasi nag-throwback sila ng photo ng April Boys. You will always be remembered, April Boy! Salamat po sa ambag sa industriya ng musikang Pilipino!”

Paano nga ba nagsimula ang singing career ni April Boy Regino?

Nagsimula ito sa kanilang grupong “April Boys” noong 90s, at kasama niya rito sina Vingo at Jimmy Regino. Napakarami nilang mga hit novelty-love songs na talaga namang kinakanta noon sa mga karaoke at videoke. Dumating sa puntong nabuwag ang April Boys at naging solo artist si April Boy Regino.

Ilan sa mga tumatak na awitin niya ang “Paano ang Puso Ko”, “Umiiyak ang Puso”, “Honey My Love So Sweet”, “Di Ko Kayang Tanggapin” at marami pang iba.

Pagpupugay sa ‘yo, Idol April Boy! Maraming salamat sa iyong musika!

Loading…