Palasyo kinontra ang Bloomberg COVID Resiliency ranking ng PH: “We have managed very well”

Imahe mula sa SCMP
  • Hindi sang-ayon ang Malakanyang sa ranking ng Pinas sa Bloomberg COVID Resiliency
  • Nasa pang-46 lang kasi ang Pilipinas sa listahan ng 53 na bansa sa mundo
  • Iginiit ng Palasyo na maaayos ang naging hakbang ng gobyerno kontra COVID-19

Kinontra ng Malakanyang ang ranking ng Pilipinas sa inilabas ng Bloomberg na ‘COVID Resiliency Rank’ kung saan lumabas na nasa pang-46 lamang na puwesto ang bansa mula sa listahan ng 53 na bansa sa mundo.

Sa pag-aaral ng Bloomberg, nakakuha lamang ng 48.9 na ‘Resiliency Score’ ang Pilipinas, mas mataas nang kaunti kumpara sa Iran (48.7) at Colombia (48.1).

Screenshot mula sa Bloomberg

Subalit iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na maayos na naipatutupad ng administrasyong Duterte ang mga hakbang ng pamahalaan para sugpuin ang coronavirus pandemic sa bansa.

“Pinaninindigan po natin that we have managed COVID-19 very well in this country,” ani Roque sa kaniyang online press briefing nitong Huwebes.

Bagama’t hindi pa raw niya personal na nakikita ang pag-aaral ng Bloomberg, naniniwala raw siyang mas maayos ang sitwasyon ng bansa pagdating sa paglaban sa COVID-19.

Imahe mula sa PCOO

“Hindi ko pa po nakikita yung pag-aaral na ‘yan. Hayaan n’yo po titingnan ko ‘yung pag-aaral na ‘yan pero tingin ko parang hindi po accurate ‘yan sa actual na nangyari,” giit pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Bukod dito, kahit pa pang-22 na tayo sa listahan ng may pinakamaraming kaso ng coronavirus sa mundo, lubhang napakababa pa rin ng mortality rate sa atin na mayroon lamang 1.75 percent.

“Nakikita n’yo naman po bagama’t number 22 na tayo sa buong mundo, hindi naman po tayo nasa absolute top in terms of numbers. Maliit po ang ating mortality rate at maliit din po yung nagkakasakit nang malala at kritikal,” paliwanag ni Roque.

Screenshot mula sa Bloomberg

Sa datus ng Bloomberg, nasa 2.3% ang ‘1-month case fatality rate’ ng Pilipinas habang 5.8% naman ang positive test rate. Samantala, isa rin ang Pilipinas sa walong bansa na mayroong ‘zero’ access to COVID vaccines sa kasalukuyan.

Nanguna naman sa listahan ang New Zealand (85.4), Japan (85), Taiwan (82.9), South Korea (82.3) at Finland (82); habang nasa ibaba naman ang Mexico (37.6), Argentina (41.1), Peru (41.6), Belgium (45.6) at Czech Republic (46.8).

Loading…