Palasyo sa suhestiyon ni Robredo tungkol sa COVID vaccine: ‘10 steps ahead si Duterte’

Imahe mula sa The Straits Times
  • Suhestiyon ni VP Robredo na gumawa na ng listahan ang gobyerno para sa mga unang tatanggap ng bakuna
  • Subalit iginiit ng Palasyo na mayroon naman talagang listahan ng 4Ps beneficiaries
  • Ayon pa kay Roque, ’10 steps ahead’ si Pangulong Rodrigo Duterte

Iginiit ng Malakanyang na nakahanda na ang hakbang ng pamahalaan bago pa man inilabas ni Vice President Leni Robredo ang kaniyang suhestiyon tungkol sa maagang paghahanda para sa pamamahagi ng COVID-19 vaccine.

Magugunitang sinabi ni Robredo sa kaniyang programa sa radyo na dapat nang gumawa ng listahan ang gobyerno para sa mga unang makatatanggap ng bakuna at hindi yung gagawa pa lamang kapag dumating na ang gamot.

Imahe mula sa InterAksyon

Subalit sa press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Lunes, sinabi ng opisyal na mayroon naman talagang listahan dahil ang unang beneficiary ng bakuna ay yaong kasali sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

“’Eto nanaman tayo. ‘Pag sinabi po ng Presidente 4Ps beneficiary, ma’am Vice President, meron na pong listahan ‘yan,” giit ni Roque.

“So maraming salamat po sa suhestiyon pero as usual, nagawa na po ng gobyerno ‘yan kasi may listahan na tayo ng 4Ps, may listahan na tayo ng kapulisan, may listahan na tayo ng kasundaluhan,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Ayon pa kay Roque, kung mga medical frontliners naman daw ang pag-uusapan, mayroon na ring listahan nito ang Department of Health (DOH).

Imahe mula sa PCOO

“Thank you very much, but again po, a bit too late kasi si Presidente Duterte po 10 steps ahead,” wika pa ni Roque.

Maliban sa listahan, nais din ni Robredo na maglaan na ng budget ang pamahalaan para sa cold storage facility na pag-iimbakan ng bakuna dahil hindi ito kasali sa 2021 General Appropriations Act (GAA).

Nauna nang inaprubahan ni Pangulong Duterte ang suhestiyon na magbigay na ng advance payment ang bansa sa mga vaccine manufacturers upang hindi tayo mapag-iwanan kapag available na ito sa merkado.

Loading…