Panawagang academic freeze dahil sa sunud-sunod na kalamidad tinanggihan ng DepEd

Screenshot mula sa Stand For Truth-Facebook
  • Tinanggihan ng DepEd ang mga panawagan na magpatupad ng academic freeze
  • Nanawagan ang grupong Spark ng suspensyon ng mga klase habang hindi natutugunan ng gobyerno ang ilang kondisyon na kanilang inilatag
  • Sinabi naman ng DepEd na sa halip na academic freeze ay academic ease ang kanilang ipatutupad kung saan ang mga mag-aaral ay bibigyan ng sapat na panahon para mag-submit ng mga requirements

Tinanggihan ng Department of Education (DepEd) ang panawagan ng grupo ng mga mag-aaral na magpatupad ang pamahalaan ng academic freeze habang ang mga suliraning dala ng mga bagyo at pagbaha ay hindi pa nareresolba.

Imahe mula sa Pilipino Mirror

Noong Lunes, ika-16 ng Nobyembre, ang grupong Samahan ng Progresibong Kabataan (Spark) ay naglatag ng ilang kondisyones na dapat ay matugunan muna ng gobyerno bago muling ipagpatuloy ang mga klase – distance learning man ito o blended learning.

Academic freeze ang panawagan ng Spark habang hindi pa natutugunan ang mga kondisyon kabilang ang paghupa ng baha sa mga apektadong lugar, pagkumpuni ng mga nasirang telecom at power infrastructure, at ang mga estudyante’t pamilya nila ay dapat nakarekober na mula sa sunud-sunod na unos.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali na walang alinmang bansa sa mundo ang nagsuspinde ng muling pagbubukas ng klase kahit pa may pandemya.

“Kung gagawin nating barometro ang ginagawa ng buong mundo patungkol sa edukasyon ng mga bata, wala pong nagka-academic freeze dahil palagay po namin ito ang tamang polisya, ang magpatuloy. At ang nakikita po natin with the latest issuance ay maging flexible na lang tayo,” wika ni Umali.

Imahe mula sa DepEd

Sa halip na academic freeze ay “academic ease” ang ipinatutupad ng DepEd kung saan ang mga estudyante ay bibigyan ng sapat na panahon upang magsumite ng mga requirements.

“’Di po tayo ngayon mahigpit na nagpapatupad ng requirements sa mga bata nang makasabay at matugunan po itong mga pangangailangan na ito,” sabi ni Usec. Umali.

Maging ang Malacañang ay tutol sa academic freeze.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi naman masyadong nakaapekto ang mga kalamidad sa pag-aaral dahil wala namang face-to-face classes na nagaganap.

Imahe mula sa DepEd
Source :

Tribune, Inquirer

Loading…