Panelo, Lorenzana nag-sorry kay Robredo dahil sa ‘maling info’ tungkol sa relief effort sa Catanduanes

Mga imahe mulas PTV News/SCMP
  • Humingi na ng paumanhin si Atty. Salvador Panelo kay VP Robredo hinggil sa pagkakamali nito sa relief efforts ng huli
  • Maging si Defense Secretary Lorenzana ay nag-sorry na rin sa Bise Presidente
  • Lumalabas kasi na isang Huey chopper, at hindi C-130, ang nagdala ng relief goods ni Robredo patungong Catanduanes

Kapwa humingi na ng paumanhin sina Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil sa diumano’y maling impormasyon na kanilang natanggap tungkol sa relief efforts ni Vice President Leni Robredo sa Bikol.

Magugunitang ibinahagi ni Panelo kamakailan sa kaniyang programang ‘Counterpoint’ na sumakay umano si Robredo sa isang C-130 plane na pag-aari ng gobyerno at may dalang relief goods papuntang Catanduanes para lumabas na ang Bise Presidente ang naghatid ng tulong.

Imahe mula sa PTV News

“Sumabay ka doon sa mga relief goods. O, ‘di parang ikaw ang may dala noon,” ani Panelo sa kaniyang programa. Ang kaniyang impormasyon ay nagmula umano kay Defense Sec. Lorenzana.

Kaagad naman itong pinabulaanan ng Office of the Vice President (OVP) na pinayuhan ang dalawang opisyal ‘to get their facts straight’.

Nitong Miyerkules, inamin ni Panelo na mali nga ang kaniyang impormasyong natanggap.

“Wala nga daw na si VP Leni ay sumakay sa eroplano pero ‘yung relief goods niya ay isinakay sa isang chopper, helicopter. Isinabay sa relief goods na dadalhin sa Catanduanes. ‘Yun ang istorya. Kaya sabi ni Sec Lorenzana, ‘apologies. Mali ang info ko,’” paliwanag ng Presidential Legal Counsel.

Maging si Lorenzana ay humingi na rin ng paumanhin sa Bise Presidente. Ayon kasi sa lumabas na flight manifest, isang Huey helicopter, at hindi C-130 na eroplano, ang nagdala ng relief goods mula sa opisina ni Robredo sa Albay patungong Catanduanes noong Nobyembre 3.

Imahe mula sa PNA

“I requested the Philippine Air Force to confirm through their flight manifest and they reported that there was no instance that Vice President Robredo boarded any military aircraft in going to Catanduanes,” ayon kay Lorenzana.

Para naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP), wala namang isyu kung gumamit man ang Bise Presidente ng eroplanong pag-aari ng gobyerno basta’t bigyan lamang sila ng sapat na panahon at koordinasyon tungkol dito.

Loading…