Pangangaroling ipinagbawal ng IATF; family gatherings pinaiiwasan ng WHO ngayong holiday season

Imahe mula sa Abante TNT
  • Ipinagbawal ng IATF ang pangangaroling ngayong kapaskuhan
  • Nagbabala si DOH Sec. Duque na posibleng tumaas ang bilang ng COVID-19 cases kung magiging kampante ang publiko ngayong holiday season
  • Hinihikayat ng WHO ang publiko na iwasan muna ang family gatherings ngayong Pasko upang maiwasan ang posibilidad na maipasa sa mga mahal sa buhay ang coronavirus

Inanunsyo ni Secretary Carlito Galvez, ang chief implementer ng National Task Force Against COVID-19, na ipinagbawal na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pangangaroling ngayong Christmas season.

Imahe mula sa RMN

“Sinabi na nga ng IATF na iyong caroling, talaga pong ipinagbabawal natin,” pahayag ni Sec. Galvez na siya ring COVID-19 vaccine czar ng bansa.

Aniya, kailangan pa ring maging maingat ang lahat habang wala pang vaccine kontra sa COVID-19.

“Kailangan pa rin po tayo na maging vigilant. Konting tiis na lang po dahil kahit malapit na po ang vaccine, iyong minimum health standard ang ating i-implement,” anang kalihim.

Noong Lunes, November 23, nagbabala si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na hindi dapat magpakakampante ang publiko sa darating na holiday season dahil maaaring magresulta ito sa pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19.

“I want to remind everyone that, while the number of cases continues to decrease, this should not be a reason for us to be complacent,“ ani Sec. Duque.

Screenshot mula sa RTVM video

Pinaalalahanan niya ang lahat na patuloy na sumunod sa minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield, physical distancing at ang palagiang paghuhugas ng kamay ngayong holiday season.

Kaugnay ng inaasahang pagtaas ng COVID-19 cases ngayong kapaskuhan, hinikayat ng World Health Organization ang publiko na na kung maaari ay huwag na munang magsagawa ng mga family gatherings.

Imahe mula sa WhattoGifts

Sinabi ni Maria Van Kerkhove, technical head ng health emergencies program ng WHO, na nauunawaan niya na nais ng mga tao na makapiling ang pamilya ngayong holiday season, subalit dahil ang pandemya ay patuloy pa rin, may posibilidad na maipasa natin nang hindi nalalaman sa ating mga mahal sa buhay ang coronavirus.

Loading…