Pangulong Duterte ‘pinatawad’ si PNP Chief Sinas sa isyu ng mañanita

  • “Pinatatawad ko na”
  • Iyan ang sabi ni Pangulong Duterte hinggil kay PNP Chief Sinas
  • Kaugnay ito ng isyu hinggil sa mañanita

Ipinagtanggol at ‘pinatatawad’ na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang bagong talagang hele ng Philippine National Police o PNP na si Major General Debold Sinas, na naging kontrobersiyal at pinupukol ng mga pagpuna dahil sa “mañanita” o surpresang pagbati ng mga pulis sa kaniya noong kaniyang kaarawan, sa kasagsagan ng mahigpit na quarantine protocols noong Mayo 2020.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi kailangang isantabi ang kahusayan ni Sinas sa kaniyang trabaho dahil lamang sa ‘pagkakamali’ nito, na pinatatawad na niya. Wala umano itong moral implications, maliit na bagay lamang, kung ihahambing sa suliraninin hinggil sa katiwalian o korapsyon.

Public Domain Image

“This is my call. I take full responsibility but I also guarantee his competence and expertise in police work. Akin na ‘yun. At kung may kasalanan siya doon, pardon na siya. Wala akong nakitang kasalanan na masama na may moral implications. Maliit na bagay lang ‘yun… doon ako galit sa mga corrupt,” pahayag ni Pangulong Duterte sa kaniyang taped “Address to the Nation” nitong Sabado, Nobyembre 14, 2020.

Ang “mañanita” ay isang tradisyon ng kapulisan na surpresang pagbati o pagdiriwang ng kaarawan ng kanilang nakatataas na pinuno. Subalit nagkataon kasing naganap ito, na ipinagbabawal ang pagdaraos ng anomang mga kasiyahan o gatherings upang masawata ang paglaganap ng COVID-19.

Nagsampa ng kaso ang PNP Internal Affairs Service laban kay Sinas at sa kaniyang mga kasamahang pulis, na inihain sa Taguig City Prosecutor’s Office subalit hanggang ngayon ay wala pa ring update hinggil dito.

“Nakaugalian na talaga ng mga Pilipino. Hindi kasalanan ng pobreng Sinas na ‘yan, pumunta sila doon e hindi naman niya alam,” giit ng pangulo.

Public Domain Image

Sa talumpati naman ni Sinas sa pagkakatalaga bilang hepe ng kapulisan, hinikayat niya ang publiko na mag-“move on” na at kalimutan na lamang ang mga nangyari, at hayaan na lamang siyang mamuno sa kaniyang bagong katungkulan.

Ayon naman kay Department of Justice o DOJ Secretary Menardo Guevarra, maaari lamang maglabas ng executive clemency ang pangulo kung mapatutunayang guilty o may sala ang isang akusado.

Loading…