Peso bill version ng mga barya ginawa ng isang digital artist

  • Ginawan ng peso bill version ng isang digital artist ang mga barya
  • Ito ay makikita sa Facebook page na “Kulay Colorization”
  • Binigyang-kulay niya ulit ang mga dati at lumang peso bill

Matapos ang colorization at photo enhancement ng mga peso bill at peso coin, naisipan naman ng isang digital artist na gawan ng “peso bill version” ang mga peso coin na piso, limang piso, at sampung piso.

Makikita sa Facebook page ng “Kulay Colorization” ang mga disenyo ng digital artist na si Adlai Jan Garcia Jawid na talaga namang nakamamangha. Makikita pa rin sa one-peso bill ang ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal, na kulay-bughaw.

Imahe mula sa Facebook page ng Kulay Colorization

Sa five-peso bill naman, nariyan pa rin si Supremo Andres Bonifacio na kulay-luntian naman. Ang Dakilang Lumpo naman na si Apolinario Mabini ang nasa ten-peso bill na kulay-kayumanggi o brown.

Bukod sa mga barya, ginawan din niya ng bagong bill design ang dalawampung piso o twenty pesos, limampung piso o fifty pesos, isandaang piso o one hundred pesos, gayundin ang mga dolyar. Itinampok din niya ang mga dati at lumang bills.

Si Adlai Jan Garcia Jawid ay isang electronics engineer negosyante. Siya ang may-ari ng Infinity Pest Control Enterprises. Bukod sa pagnenegosyo, hobby o libangan ni Jawid na bigyang-kulay ang mga lumang black-and-white na larawan. Noong bata pa siya, alam na niya sa sarili niyang isa siyang artist.

“I used to paint landscapes using poster color. When I was 12, I used to paint on my mom’s framed black-and-white photo—I’d put paint on the glass. I wondered what a black-and-white photo would look like if it was in color,” ayon kay Jawid sa panayam sa kaniya ng Lifestyle Inquirer noon.

Nagkaroon siya ng ideya na gawin ang paglalagay ng kulay sa mga lumang larawan dahil sa isang foreign artist. Ginawa niya ang kaniyang Facebook page na “Blush of the Past” na hindi naglaon ay pinalitan niya ng pangalang “Kulay Colorization.”

Imahe mula sa Facebook page ng Kulay Colorization

“I chose the name Kulay to give it a simple Pinoy name. Easy to remember,” paliwanag niya.

Gustong-gusto rin ni Jawid na maging subject ang mga bagay na nagpapaalala sa gunita o kasaysayan ng bansa, tulad na lamang ng pera, mga nakilalang mga tao sa lipunan, at marami pang iba.

Loading…