Piknikan sa kabukiran, gawaing hindi pagsasawaan

  • Nanumbalik ang nostalgia ng mga netizens
  • Dahil ito sa isang larawan
  • Ipinakikita ang piknikan sa kabukiran

Ano nga ba ang sikreto sa isang masarap na salo-salo o kainan? Ito ba ay nakabatay sa masasarap na putaheng nakahain, o kahit na simple lang ang mga pagkain, pinasasaya ito ng lugar na kinalalagyan at mga kasalong walang humpay ang kuwentuhan at tawanan?

Iyan ang binalikan sa Facebook page na “Batang Pinoy-Ngayon at Noon” kung saan ibinahagi ang isang larawang nagpapakita ng piknikan sa kabukiran; isang gawaing hinding-hindi pagsasawaan, lalo na ang mga naninirahan sa lalawigan. Ang picnic ay isang masayang gawain kung saan naglalatag lamang ng isang malaking sapin sa damuhan, lupa, o semento at doon na magsasalo-salo o magkukuwentuhan ang mga magkakapamilya o magkakaibigan.

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon /Public Domain Image

“Wala nang mas sasarap pa sa kakain ka ng tanghalian sa kabukiran habang umiihip ang sariwang hangin at natatanaw mo’y berdeng kapaligiran,” ayon sa caption ng post.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Experience ko noong bata pa ako, kapag may laman na ang palay at di na tinitigilan ng mga maya, kailangan nang magbantay maghapon kaya minsan kailangan na ang piknikan,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “The best! Matapos kumain, makakatulog sa papag habang napakapresko ng hangin. Sarap na sarap kami talaga sa inihaw na dalag.”

“Hay… iyan ang buhay sa bukid, walang katumbas sa sarap; presko at sariwang hangin ang palagi mong malalasap. Pati pagkain, lahat sariwa. Ganyan kami dati, miss na miss ko na ang bukirin. Dito kasi sa lungsod, hindi na magagawa dahil may pandemya, mausok, maingay, marumi, at maraming sisita sa iyo,” wika naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Noong bata pa ako, dadalaw kami sa bukid nila Tito ko; makikipulot ako ng kamote at may sarili akong basket. Kapag kainan na, ang nakahain ay inihaw na isda, talong, okra at sawsawan. Ang kanin namin nakabalot sa dahon ng saging. Haay… busog-lusog talaga!”

Public Domain Image

Ikaw, naranasan mo na rin ba ang piknikan sa bukid?

Loading…