
- Kinatuwaan ng mga netizens ang isang larawan
- Makikita rito ang peso bill na kinasusulatan ng petsa ng anniversary
- Ipinagbabawal ito ng BSP
Ang peso bill ay sadyang mahalaga sa sinuman sapagkat ito ay pambili ng mga pangunahing pangangailangan ng tao kagaya ng pagkain, damit, gamit, at marami pang iba. Subalit minsan din, pinagsusulatan ito ng iba’t ibang mga impormasyon noon dahil nga sa pinagpapasa-pasahan ito.
Iyan ang binalik-tanawan sa Facebook page na “Batang Pinoy-Ngayon at Noon” kung saan makikita ang larawan ng isang 20-peso bill na may nakasulat ng “anniversary” ng magkasintahan. Pabirong tanong sa caption: “Sila pa rin kaya?”

Bagay na nagdulot naman ng katatawanan sa mga netizens.
“Only in the Philippines! Marumi na nga pera sa Pilipinas at lukot-lukot, ginaganiyan pa sa pamamagitan ng pagsusulat, actually bawal iyan, nasa batas iyan,” pahayag ng isa.
Turan naman ng isa, “Hahaha noong panahon 90s sinusulatan ang pera minsan nakakatanggap ako niyan dati galing sa sukli no. Minsan may mga telephone o kaya cellphone number pa nga.”
“Noong 2005, cellphone number ko sinusulat ko diyan. Biruin mo, from Quezon nakarating hanggang Davao yung bente ko? Instant text mate. Ngayon, hindi ko na siya text mate. Asawa ko na siya,” pagbabahagi naman ng isa.
Ayon sa Presidential Decree No. 247, kailangang ingatan ng sinuman ang mga peso bill. Ipinagbabawal ang pagsulat o paglalagay ng marka sa peso bill, pagpunit, paggupit o pagbutas, pagsunog, labis na paglukot o pagtupi, pagbabad sa mga kemikal, pag-staple o anomang paglalagay ng pandikit.
Ang sinomang lalabag dito ay maaaring maparusahan at magmulta ng hindi hihigit sa 20,000 piso o kaya naman ay 5 taong pagkakakulong.

Hinihikayat ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang sinoman na ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang mga taong sinasadyang sirain ang mga peso bill at maging barya, batay na rin sa mga nabanggit na paglabag, para sa naaangkop na aksyon. Maaari ding makipag-ugnayan sa Currency Management Sector ng BSP.