‘Pinas mangungutang ng $300-M para ipambili ng COVID vaccine –  Duterte

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM
  • Mangungutang ng $300-M ang Pilipinas upang ipambili ng COVID vaccine
  • Kasabay ito ng pag-anunsiyo ng Pfizer na epektibo umano ang kanilang experimental vaccine’ laban sa coronavirus
  • Inamin din ng Pangulo na maaaring mahirapan pa rin ang bansa sa pagbili ng bakuna kapag available na ito

Muling mangungutang ang Pilipinas ngunit sa pagkakataong ito ay upang ipambili ng COVID-19 vaccine na ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte ay malapit nang  maging available.

Bago ginawa ng Pangulo ang naturang pahayag ay nag-anunsiyo ang Pfizer Inc. at BioNTech SE na ang kanilang na-develop na COVID experimental vaccine ay mahigit sa 90 porsiyento na mas epektibo kontra virus.

Imahe mula sa CGTN

“Nandito na ang bakuna. It’s being solved ‘yung iba. I dont know it would be not good to assume that there is a black market for that. But (Finance Secretary) Sonny (Dominguez) says he can borrow money of $300 million dollars. Malaki ‘yan,” wika ng Pangulo sa kaniyang televised briefing Martes nang gabi.

Inamin din ng presidente na malaking hamon para sa pamahalaan hindi lang ang pamamahagi ng bakuna kung hindi ang pagbili mismo nito lalo pa’t buong mundo ang sabay-sabay nangangailangan ng nasabing gamot.

“But I think it would do us well to realize that unahin talaga nila mga tao nila,” anito. “Mga kababayan ko, basta mabakunahan kayo. Kailan? Hintay. Pera? Makahiram tayo.”

Kailangan umanong tanggapin ang katotohanan na kung sino ang makaimbento ng bakuna ay natural lamang na uunahin nito ang sarili nilang mamamayan.

Screenshot mula sa Facebook video ng RTVM

Muli ring iginiit ni Duterte na prayoridad pa rin ng gobyerno ang mga mahihirap sa pamamahagi ng libreng bakuna.

“Hindi na talaga nakakatakot ang COVID. But sa ngayon, magbili ka mahal. But as I have promised, gastos ng gobyerno itong bakuna para sa lahat ng Pilipino. Kaya umpisahan natin sa mga mahirap,” patuloy pa Pangulo.

Noong isang linggo, itinalaga ng Malakanyang si Sec. Carlito Galvez, ang chief implementer ng national policy against coronavirus, bilang COVID-19 vaccine czar na siyang titiyak para magkaroon ng access sa naturang bakuna ang Pilipinas kapag available na ito.

Loading…