PNP may mga bagong equipment, sasakyan na nagkakahalaga ng P1.2-B

Imahe mula sa PNP Facebook
  • Natanggap na ng PNP ang mga bagong bili nitong kagamitan at sasakyan
  • Ang mga bagong equipment ay nagkakahalaga ng P1.2-B at pinondohan ng CEPs
  • Bukod dito, tumanggap din ng 3 karagdagang sasakyan ang PNP bilang donasyon mula sa AFPMBAI

Pinasinayaan ng pamunuan ng Philippine National Police nitong Biyernes ang mga bagong kagamitan at sasakyan nito na nagkakahalaga ng mahigit P1.2-B bilang bahagi ng patuloy na modernization program ng ahensiya sa ilalim ng P.A.T.R.O.L. 2030.

Pormal na itinurn-over ni PNP Bids and Awards Committee Chairman, Police Major General Emmanuel Luis Licup kay PNP chief Police General Camilo Pancratius Cascolan ang mga kagamitan na kinabibilangan ng 11 units Shuttle Bus, 22 units High-Speed Tactical Watercraft, 355 units Patrol Jeep Single Cab 4×2, 5,767 units Galil Ace 22N 5.56mm Basic Assault Rifle, at 214 units VHF Lowband Handheld Radio.

Imahe mula sa PNP Facebook

Ang 11 na mga bagong shuttle buses ay ipamamahagi sa mga Police Regional Offices (PRO) bilang karagdagang transportation assets ng mga kapulisan para sa mabilis na pagresponde, habang ang 22 na high-speed Tactical Watercrafts naman ay ibibigay sa Maritime Group at Special Action Force ng PNP upang magamit sa kanilang pagpapatrolya sa karagatan ng Pilipinas.

Tiniyak naman ng PNP chief na kaagad ipadadala ang 355 na Patrol Jeeps sa iba’t-ibang munisipalidad para naman makatulong sa kanilang patrol operations lalo na ngayong panahon ng national health crisis.

Imahe mula sa PNP Facebook

Samantala, ang 5,767 na assault rifles ay ipamamahagi sa miyembro ng mobile forces habang ang 214 na handheld radion ay ibibigay sa Communications and Electronics Services ng PNP.

Ayon kay Cascolan, ang mga bagong biling gamit na ito ay pinondohan ng Capability Enhancement Programs (CEPs) 2019 at 2020  na nagkakahalaga ng P1,221,601,033.

Imahe mula sa PNP Facebook

Maliban sa mga bagong kagamitan, nagpapasalamat din si Cascolan sa Armed Forces and Police Mutual Benefit Association, Inc. (AFPMBAI) na nagdonate ng 2 units 2020 Toyota Coaster at 1 unit Nissan Urvan NV350 Cargo Shuttle na may kabuuang halaga na P8,714,000.

Loading…