Prepaid load may ‘forever’ na? Expiration date ipagbabawal sa panukalang batas ni Sen. Gatchalian

Imahe mula sa Reuters India
  • Nais nang ipagbawal ni Sen. Gatchalian ang expiration date sa mga prepaid loads
  • Hindi raw ito makatarungan bukod pa sa pagiging ‘anti-consumer’ umano
  • Malaking tulong umano ito sa mga mamamayan lalo na ngayong pandemya

Nais ipagbawal na ni Senador Sherwin Gatchalian ang paglalagay ng expiration date sa mga prepaid load na nabibili para sa mga mobile at internet services.

Sa kaniyang isinusulong na Senate Bill 365 o ang ‘Prepaid Load Forever Act’, nais ni Gatchalian na tanggalin na ng mga public telecommunications entities (PTEs) and information and communication technology (ICT) providers ang expiration date sa validity period ng mga prepaid load credits kahit anupamang halaga ito.

Malaking tulong daw ito sa mga konsyumer lalo na ngayon sa panahon ng pandemya.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Win Gatchalian

“The harsh reality in this era of coronavirus pandemic is that we rely on information and communication technologies in our daily life. And for those with limited resources, every peso counts. Forfeiture of unused prepaid load credits due to expiration period is somehow unconscionable under the current situation,” ani Gatchalian sa kaniyang press release nitong Linggo.

Bukod sa hindi makatarungan, maituturing rin daw na anti-consumer ang patakarang ito ng mga telcos dahil binayaran na ng buo ang mga load credits at mga katulad na serbisyo kaya may karapatan ang bumili nito na gamitin ito sa paraang naayon sa kaniya.

Para sa mga hindi nakaluluwag sa buhay, ayon sa senador, mahalaga ang bawat piso na kanilang gagastusin kaya hindi katanggap-tanggap ang mawalan ng load credits dahil inabutan na ng expiration date.

Imahe mula sa Expresspay

“Sa panahon ngayon na iginagapang ng karamihan ang arawang gastusin at ginagawa na ang lahat ng paraan ng pagtitipid, nararapat lamang na tulungan natin silang mapagaan ang kanilang mga pasanin,” wika pa ni Gatchalian, ang vice chairman ng Senate committee on economic affairs.

Saklaw ng panukalang batas ang lahat ng prepaid cards at electronic loads para sa  services na nag-ooffer ng voice, short messaging system (SMS) o  text, mobile data, value added services (VAS) at yaong mga load upang makagamit ng internet sa mga devices tulad ng tablets, Wi-Fi dongles o mobile hotspots.

Ang sinumang lumabag sa nasabing batas ay maaaring pagbayarin ng multang nagkakahalaga ng P100,000 hanggang P2 million at pagkakakulong ng dalawa hanggang 6 na taon bukod pa sa revocation ng kanilang business license.

Loading…