Private reclamation project sa Marikina River isa sa mga dahilan ng pagbaha sa Marikina

Screenshot mula sa GMA video
  • Itinuturong isa sa mga dahilan ng malawakang pagbaha sa Marikina ang reclamation project sa Marikina River
  • Ang reclamation project ay ginagawa ng isang private company na pag-aari ng dating alkalde na ngayon ay Marikina Congressman na si Rep. Bayani Fernando
  • Pinatatanggal na ni Mayor Marcy Teodoro ang mga lupang itinambak ng private company

Isa sa mga itinuturong dahilan ng malawakang pagbaha sa Marikina City ay ang reclamation project ng isang pribadong kumpanya sa bahagi ng Marikina River.

Screenshot mula sa GMA video

Matatandaang sinisisi at planong kasuhan ng negligence ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ang Angat Dam management dahil sa pagpapakawala nito ng tubig nang hindi man lang umano nagbigay ng abiso, subalit sa kanilang pag-iinspeksyon ay nakita ng ilang eksperto mula sa lokal na pamahalaan ang ginagawang pagtatambak ng lupa sa ilog ng kumpanyang pag-aari umano ng dating mayor at ngayon ay Marikina Congressman na si Bayani Fernando.

Kumipot ang bahagi ng Marikina River dahil sa reklamasyon ng BF City na pag-aari ng congressman; dahilan para bumagal ang daloy ng tubig sa bahaging iyon ng ilog.

Ayon kay Mayor Teodoro, tinatambakan ang bahaging iyon ng Marikina River upang lumawak ang lupa sa gilid ng ilog na pag-aari ni Rep. Fernando.

Aniya, walang ibinigay na permit ang lokal na pamahalaan para sa reclamation project.

Sa dami ng tubig na hindi agad makadaloy sa kasagsagan ng bagyong Ulysses ay nawasak ang dike na naghihiwalay sa Marikina River at Provident Village na bahagi ng BF City.

Imahe mula sa Marikina City LGU

“‘Yong corporation, BF City, sa kaniya (Rep. Fernando) ito. Kinausap naman na namin siya at sinabing kailangan tanggalin ‘yong reclamation. Kung kailangang kami ang magtanggal, gagawin ko ‘yon at ‘yon na ang aking instruction,” anang alkalde.

Nag-isyu na rin si Mayor Teodoro ng Notice of Violation sa Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil isa sa mga truck nito ang ginagamit na pantambak ng lupa sa ilog sa utos ni Rep. Fernando.

“Pinahuli ko ‘yong truck na ‘yon eh. It turned out na truck ng DPWH ‘yong nagda-dump,  upon instruction ni congressman,” aniya.

Nilinaw naman ng DPWH na walang kinalaman ang ahensya sa reclamation project.

Sa mapa ng ilog na ipinakita ni Mayor Teodoro, sinabi niya na ang kulay pulang linya ang plano pang tambakan ng lupa ng kumpanya ni Rep. Fernando.

Screenshot mula sa GMA video
Source :

GMA Network, MSN

Loading…