Proteksyon mula sa face mask, face shield hindi sapat sa mga lugar na siksikan ang mga tao

Screenshot mula sa GMA video
  • Face mask at face shield hindi sapat ang proteksyon kontra sa COVID-19 sa mga lugar kung saan ang mga tao ay nagsisiksikan
  • Sabi ng DOH, ito ang dahilan kung bakit kailangang mahigpit na ipinatutupad ang physical distancing rule
  • Ipinag-utos naman ni PNP chief Sinas ang pagkakaroon ng mga social distancing patrollers sa mga matataong lugar
Imahe mula sa DOH

Nagbigay ng paalala ang Department of Health (DOH) na hindi sapat ang naibibigay na proteksyon ng face mask at face shield laban sa COVID-19 kapag nasa mga lugar kung saan nagsisiksikan ang mga tao.

Ginawa ni DOH Undersecretary Ma. Rosario Vergeire ang paalala matapos kumalat ang ilang larawan ng mga nagsisiksikang mga mamimili na dumagsa sa Divisoria sa Maynila at sa Baclaran sa Parañaque.

“Nakita po namin iyong mga litrato noong weekend, kung gaano kasikip. Gusto nating ipaalala sa ating mga kabababayan, nariyan pa rin ang virus. Ang virus, naihahawa kapag naroon ka sa lugar na talagang siksikan,” ani Usec. Vergeire sa isang virtual press briefing noong Lunes, November 23.

“Kahit po kayo ay naka-mask at naka-face shield pero kayo naman ay pumupunta sa matataong lugar na halos dikit-dikit na po kayo, maaari pa rin kayong mahawa,” babala niya.

Ang panganib na dala ng COVID-19 ay patuloy na nananatili at ito umano ang dahilan kung bakit kailangan ang pagpapatupad ng physical distancing.

“The risk is there. Kaya iwasan po ang pagpunta sa matataong lugar kung maaari po. Ang risk ng pagkahawa-hawa ay napakalaki kapag tayo ay nakakapunta sa mga lugar na maraming tao katulad noong nangyari noong weekend,” anang DOH official.

Imahe mula sa DOH

Kaugnay ng kumalat na mga larawan ng nagsisiksikang mga tao, ipinag-utos ni Philippine National Police Chief Major General Debold Sinas kay Manila Police District director Brigadier General Rolando Miranda ang pagkakaroon ng social distancing patrollers sa mga nabanggit na mga lugar.

Source :

Facebook, Sunstar

Loading…