Pulis na nag-selfie kay Manny, nasurpresa nang biglang bigyan ng ‘malaking pera’ ng Pambansang Kamao

Imahe mula sa Facebook ni P/Cpl. Carlo Romero
  • Nagulat ang isang pulis sa Cavite nang abutan ng pera ni Senador Manny Pacquiao
  • Nais lang naman sana niyang magpakuha ng larawan kasama si Pacman bilang souvenir
  • Dahil dito, ibinili niya rin ang pera ng mga pagkaing ipinamahagi sa kaniyang kababayan

Sobra ang tuwa at pasasalamat ngayon ng isang pulis na nais lang sanang makasama sa selfie si Senador Manny Pacquiao subalit biglang nasurpresa sa ibinigay sa kaniya ng Pambasang Kamao.

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi ni P/Corporal Carlo Romero, na naka-assign sa Cavite Provincial Police Office’s Operations and Management Unit, na gusto lamang niyang makasama sa larawan si Pacman bilang souvenir.

Imahe mula sa Facebook ni P/Cpl. Carlo Romero

Si Manny ay pumunta sa Cavite noong Biyernes, Nobyembre 27, upang mamahagi ng tulong sa mga residente ng Dasmariñas City at isa si Romero sa naatasan upang magbantay sa nasabing kaganapan.

Matapos ang nabanggit na event ay nilapitan umano ng pulis si Pacman upang mag-selfie subalit laking gulat ni Romero sa ginawa ng Pambansang Kamao matapos ito.

Screenshot mula sa Facebook ni P/Cpl. Carlo Romero

“Nagulat po ako dahil pagkatapos natin magpakuha ng picture ay inabot nyo sa akin ang natirang pera sa mga ipinamamahagi ninyo at nung bilangin ko ito ay mas lalo akong nagulat,” bahagi ng pulis.

“Ang nais ko lang po talaga ay magpakuha ng picture kasama kayo, hindi ko po inaasahan na ibibigay n’yo ang ganun halaga sa akin,” ayon pa kay Romero.

Kaya bilang pasasalamat ay ibinili rin ng pulis ang perang ibinigay ng senador ng mga pagkain upang muling maipamahagi sa mahihirap niyang kababayan.

Imahe mula sa Facebook ni P/Cpl. Carlo Romero

“Kaya eto po, bilang pasasalamat po sa inyo ay ibinili na rin po namin ang halagang inyong ibinigay ng mga bigas, de lata, kape at noodles upang maipamahagi po sa mga mahihirap nating kababayan, alam ko po mas marami pa po ang lubos na nangangailangan nito kesa po sa amin,” wika pa ni Romero.

Dahil dito, abot-abot ang pasasalamat ni Romero sa 8-time world boxing division titlist at Filipino boxing icon na matagal nang kilala sa pagiging matulungin sa kaniyang mga kababayan kahit noon pa mang hindi pa ito pumapalot sa mundo ng pulitika.

Loading…