PWD na visually impaired, pinagmulta ng Baguio POSD dahil nagkamali sa pagtawid

Imahe mula sa GMA/POSD
  • Tinuligsa ang Baguio City POSD dahil sa paninita at paniniket sa isang PWD na may visual impairment
  • Ang PWD ay tumawid sa ipinagbabawal na lugar
  • Katwiran ng PWD, sumusunod siya sa taong nasa harapan niya dahil wala nang mabasa ang may problema niyang mga mata
  • Hinikayat ng isang city councilor na magsampa ng reklamo ang PWD laban sa POSD

Nagpatawag ng isang council investigation si Baguio City Councilor at  Chairman of the Committee on PWD Arthur Allad-iw kasunod ng isang insidente na kinasangkutan ng isang kawani ng Baguio City Public Order and Safety Department (POSD) at ng isang person with disability (PWD) na mayroong visual impairment.

Imahe mula sa POSD

Ang insidente ay nag-ugat sa pagtawid ng PWD na si Madino Codasi, na sumusunod lang sa isang lalaking kasama niya, sa hindi tamang tawiran noong nakaraang linggo. Agad naman silang nakita ng POSD personnel na nagbigay ng warning gamit ang megaphone.

Sa panayam sa  kanya, sinabi ni Codasi na ang kanang mata niya ay hindi na nakakakita at ang kaliwang mata ay sobrang labo na. Hindi na raw niya makikita ang anumang karatula na nagsasabing bawal tumawid. Hindi rin daw niya inakala na sila ang sinasabihan sa megaphone ng POSD personnel.

Kahit ipinakita na umano niya ang kanyang PWD ID ay inisyuhan pa rin siya ng citation ticket.

Hinikayat ni Councilor Allad-iw, na isa ring PWD, ang pamilya ni Codasi na magsampa ng reklamo laban sa POSD. Nangako siya na magbibigay ng tulong kay Codasi kung itutuloy ang pagrereklamo.

“I am convinced that he is blind, all he can see are shapes that is why he needs a companion when he is going out. Given that they may have jaywalked, is that the way to treat them?” anang city councilor.

Imahe mula sa POSD

“Hindi maganda ang treatment sa kanila, may mga sinabi sa kanila na mali at masasamang salita, inhumane, inilabas pa niya ID niyang PWD, sinusundan lang niya ang porter niya, tinikitan siya after niya mag-explain and na-question pa siya kung bakit ‘di sa linya ng citation ticket nag-sign, eh, hindi nga niya makita,” sabi pa niya.

Nanindigan naman ang hepe ng POSD na si Marvin Garcia Herrera na ang pagsita kay Codasi ay ginawa sa paraang naaayon sa batas.

Si Codasi ay residente ng La Trinidad na nagbebenta ng mga bulaklak sa Baguio City public market. Ang kasama ay isang porter na karga ang maraming order ng bulaklak nang tumawid sila.

Iniimbestigahan na ng City Administrator ang insidente.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…