Quarry operations sinisi sa malaking pinsalang tinamo ng Albay sa bagyong Rolly

Screenshot mula sa GMA video
  • Sinuspinde ni DENR Sec. Roy Cimatu ang quarrying operations ng 11 kumpanya sa Albay
  • Ang quarrying ang itinuturong dahilan ng pag-apaw ng mga ilog sa probinsya
  • Umapela naman si Albay Gov. Bichara na huwag ituloy ang suspensyon

Ipinatigil ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimantu ang quarrying operations sa paligid ng Mayon Volcano sa Albay  kasunod ng direktiba sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Screenshot mula sa Inquirer video

Inanunsiyo ni Sec. Cimatu na labing-isang quarry operators ang sinuspinde niya. Ang operasyon ng mga ito ang sinisilip na dahilan kung bakit malaki ang pinsalang inabot ng ilang bahagi ng Albay, partikular na sa Guinobatan, mula sa pananalasa ng bagyong Rolly.

Aniya, ipinag-utos niya ang suspensyon upang hindi na muling maulit ang naganap na pinsala sa mga ari-arian na humantong sa pagkapahamak ng apat na residente.

“I directed the suspension of all these 11 or 12 operators, including suspending quarrying operations, around the volcano, habang meron pang sumusunod na mga typhoons para naman ma-prevent itong mga maaaring mangyari ulit,” paliwanag ni Sec. Cimatu.

“Some of these operators left their stockpiles in the middle of these rivers. Kaya nung bumaba ‘yung tubig, malakas, dala-dala ‘yung lahar pati ‘yung mga stockpiles nila doon, boulders, ay kasama na,” dagdag pa ng kalihim.

Screenshot mula sa GMA video

Banta ng kalihim, ipasasara niya ang mga kumpanya kapag napatunayang ang kanilang quarrying operations ang sanhi ng pagguho ng mga volcanic ash sa gitna ng bagyong Rolly.

Sa report ni Sec. Cimatu kay Pangulong Duterte, sinabi niya na ang provincial government ang nag-isyu ng permit sa mga nasuspindeng quarry operators.

“Itong 11 permits ibinigay po ito ng provincial government. Sila kasi ang nagbibigay ng permit sa mga nagku-quarry doon, and because of this, Mr. President, we will still be continuing the investigation, finding out the culpabililty,” anang kalihim.

Screenshot mula sa GMA video

Umapela naman si Albay Governor Al Francis Bichara sa suspensyon ng quarry operations.

“If they will stop the quarrying, we will run out of aggregates for reconstruction, rehabilitation of our province. Not only that of the region because most of the aggregates come from Albay,” apela ng gobernador.

Nauna nang sinabi ni Gov. Bichara na walang operator ang mag-iiwan ng kanilang stockpile sa gitna ng mga ilog tuwing panahon ng tag-ulan.

Loading…