Rep. Bayani Fernando iginiit na proyekto ng DPWH ang ibinibintang na reclamation sa Marikina River

Screenshot mula sa video ng Saksi
  • Itinanggi ni Marikina Representative Bayani Fernando na sangkot sa reclamation project sa Marikina River ang kanyang kumpanya
  • Iginiit ni Rep. Fernando na ang ginagawa doon ay proyekto ng DPWH
  • Muli namang iginiit ng DPWH na walang reclamation project ang ahensya sa Marikina River

Itinanggi ni Marikina Congressman Bayani Fernando na sangkot ang kanyang kumpanyang BF Corporation sa sinasabing reclamation project sa Marikina River na isa sa itinuturo ni Mayor Marcy Teodoro na dahilan ng grabeng pagbaha sa Marikina City sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ulysses.

Screenshot mula sa GMA video

Sinabi ng alkalde na ang pagtatambak ng lupa sa isang bahagi ng ilog dahil sa proyekto sa harap ng Provident Village at Sitio Olandes Industrial Valley Complex ay isang malaking factor sa pagbaha sa lungsod.

Ang ari-arian ni Congressman Fernando, ang BF City, ang makikinabang sa pagpapalapd ng lupa sa naturang lugar, ayon kay Mayor Teodoro.

Tugon naman ni Congressman Fernando sa bintang ng alkalde, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagtatambak ng lupa para sa gagawing road dike na bahagi umano ng flood control project ng ahensya.

Katwiran niya, hindi raw lumapad ang ari-arian niya; bagkus ay nabawasan pa dahil kinain ng road dike project.

“Hindi ‘yan pinapalapad. Nabawasan pa nga dahil mini-maintain ‘yong kalaparan ng ilog na kinakailangan. Kaya nga sila ay pumasok pa doon sa aming pag-aari. Road dike ‘yon eh, papunta ng Pasig ‘yon. ‘Yan ang ginagawa nila sa buong ilog Marikina. Nilalagyan nila ng kalye magkabi-kabila na pampang. Tagos hanggang San Mateo ‘yan hanggang Pasig,” paliwanag ni Fernando na dating mayor ng Marikina.

Screenshot mula sa video ng Saksi

Hindi raw nakadaragdag sa pagbaha ang ginagawang road dike dahil hindi iyon makahaharang sa daloy ng tubig. Aniya, ganoon talaga ang plano sa lugar at isa siya sa tumulong sa pagbuo ng naturang plano.

Muli namang itinanggi ng DPWH na may reclamation project ito sa Marikina River.

“It is currently undertaking the Pasig-Marikina Flood Control Project… it includes widening and dredging of the existing river to increase its current capacity,” sabi ni DPWH Build, Build, Build committee chairperson na si Anna Mae Lamentillo.

Bilang patunay na may epekto ang ginagawang road dike sa daloy ng Marikina River ay sinukat ng Marikina City ang bilis ng daloy ng tubig ng ilog.

Imahe mula sa Marikina City PIO

“Mayroon tayong kinuhang velocity measurement ng water current. Ang tanong, bago dumating ‘yong BF City, mabilis ‘yong current on the average 2.8 meters per second. Pagdating ng BF City, naging 1.9 meters per second. Pagkalagpas ng BF City, 2.9 meters per second,” ani Mayor Teodoro na iginiit na may legal liability ang congressman.

Ibinaling naman ni Cong. Fernando ang sisi sa isang tulay – ang Manalo Bridge sa Manggahan Floodway – na aniya ay nagpapakipot sa ilog.

Source :

MSN, YouTube

Loading…