Robin Padilla kay VP Robredo: “Criticism is different from black propaganda”

Mga imahe mula sa Facebook/Asia News Network
  • Naglabas sa Facebook ng tila ‘open letter’ si Robin Padilla para kay VP Robredo
  • Ayon sa aktor, magkaiba umano ang kritisismo sa ‘black propaganda’
  • Pinaalala rin ni Robin kay Robredo ang nangyari noon sa bagyong Yolanda

Ipinagtanggol ni Robin Padilla si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa diumano’y mga pasaring ni Vice President Leni Robredo sa gitna ng tumitinding iringan sa pagitan ng dalawang pinakamatataas na opisyal ng bansa.

Sa tila ‘open letter’ na ibinahagi ni Binoe sa kaniyang Facebook, iginiit ng aktor na may pagkakaiba ang kritisismo sa ‘black propaganda’. Bagama’t karapatan daw ng bawat Pilipino ang pumuna sa gobyerno, hindi naman katanggap-tanggap ang paggawa umano ng kuwento para manira ng isang tao.

Screenshot mula sa Facebook ni Robin Padilla

Ang ‘open letter’ na ito ni Robin ay may kalakip na screenshot ng isang news article kung saan mababasang pinayuhan ni Robredo ang Pangulo na ‘wag maging ‘balat-sibuyas’ o sensitibo sa mga kritisismo.

Ayon pa sa aktor, hindi naman daw marunong mapikon ang presidente lalo pa kung ang mga banat ay manggagaling sa mga ‘kulang sa pansin’ at naiinggit lamang sa kaniya.

Pinaalala rin ni Robin kay Robredo ang nangyari noon sa bagyong Yolanda na ‘lagpas po sa 15 libo’ ang nasawi kahit pa may full media coverage at pinamamahalaan ng Liberal Party ng Bise Presidente.

Screenshot mula sa Facebook ni Robin Padilla

“Kaya po madame vice president sa usapin po na ito hindi po si mayor ang balat sibuyas dahil malinaw po kay Rolly at Ulysses na mas naging handa ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno dahil ang mga nadisgrasya po at namatay ay higit na mas mababa ang bilang,” patuloy pa ni Robin.

Ang problema naman daw sa Marikina ay ‘hindi na mareresolba ng pagbibigay ng relief lang’ ayon sa aktor.  Sa Rizal naman umano ay illegal logging ang ugat ng pagbaha na suliraning kasingtanda na ang panahon ng Kastila at umabot na sa Quezon at Bikol.

“Mass evacuation na po ang kailangan na don dahil wala naman po kasing naging malinaw na city planning o urban planning sa Metro Manila,” ayon pa kay Robin. “Isang napakatandang problema na po yan kasingtanda ng bulok na sistema ng gobyerno na pinipilit nating gumana kahit gutay gutay na.”

Imahe mula sa ABS-CBN News

Hindi rin pinalampas ng aktor ang pagkakataon para muling banggitin na kailangan nang baguhin ang uri ng kasalukuyang gobyerno at gawin na itong pederalismo upang diumano’y “maiangat natin ng may katotohanan at walang pangbobola ang BICOL at ang iba pang mga probinsya na lagi na lamang umaasa sa Kapangyarihan ng Imperial Manila.”

Si Robin ay kilalang mahigpit na tagasuporta ni Pangulong Duterte at ilang beses na ring nasangkot sa kontrobersiya dahil sa mga binibitawang salita laban sa mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon.

Source :

Facebook

Loading…