Sana walang simbang gabi ngayong taon – CCPO

Imahe mula sa Asia News
  • Ipinapanalangin ng CCPO na sana ay walang Simbang Gabi ngayong taon
  • Posibleng dumami ang COVID-19 cases dahil sa mga inaasahang pagkukumpulan ng mga tao sa loob ng mga simbahan
  • Bukod sa kumpulan, pasok din ang oras ng Simbang Gabi sa curfew hours na 11 p.m. hanggang 4 a.m.

Kung masusunod ang kagustuhan ng Cebu City Police Office (CCPO) hindi nito nanaisin na matuloy ang pagdaraos ng tradisyunal na Simbang Gabi ngayong taon na posibleng pagsimulan ng pagkalat ng coronavirus dahil sa pagkukumpulan ng mga tao sa loob ng mga simbahan.

Imahe mula sa CCPO

“Hindi nirerekomenda ng CCPO ang pagdaraos ng Misa de Gallo dahil matao ang ganitong tradisyon na maaaring ilagay sa panganib ang kalusugan ng mga tao dahil sa umiiral na pandemya,” pahayag ni CCPO Director Police Colonel Josephino Ligan.

Bukod sa pagkukumpulan, idinahilan din ni P/Col. Ligan na ang oras ng Simbang Gabi ay pasok sa curfew hours na 11 p.m. hanggang 4 a.m. na ang paglabas ng mga tao ay ipinagbabawal, maliban na lang ang mga essential workers.

Dagdag-trabaho pa umano sa kapulisan ang gagawing pagbabantay sa mga magsisimba gayong kulang sila sa puwersa.

Ayon naman kay Police Brigadier. General Albert Ignatius Ferro, ang Police Regional Office-Central Visayas director, dapat daw hintayin ang abiso ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases kung papayagan ang Simbang Gabi.

Nagpahayag din siya ng pangamba na dadami ang COVID-19 cases kapag hindi nasunod ang minimum health standards.

Imahe mula sa CCPO

“We will respect the traditional practice but we should also again measure the risk and discipline and the responsibility of every Cebuano that will be having the Simbang Gabi,” ani Ferro.

Suportado naman ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan ang pagdaraos ng Simbang Gabi na magsisimula sa December 16 basta susundin lang ng mga tao ang mga health protocols na ipinatutupad. Sisiguruhin umano niya na malimitahan ang  bilang ng mga taong magsisimba.

Imahe mula sa Good News Pilipinas
Source :

Tribune, CDN

Loading…