Sikat na swan boat ng Baguio dinala sa Cagayan para matulungan ang mga binahang residente

Imahe mula sa PIA Cordillera
  • Swan boat na atraksyon sa Burnham Park sa Baguio City, ipinadala sa Cagayan upang makatulong sa transportasyon ng mga residenteng binaha
  • Ang swan boat ay nagsisilbi ring libangan ng mga batang naapektuhan ng mga pangyayari kasunod ng bagyong Ulysses
  • Ang Cagayan at iba pang kalapit na probinysa ay nakaranas ng malawakang pagbaha dahil sa bagyo at water release ng Magat dam

Ang swan boats na makikita sa pamosong Burnham Park sa Baguio City ay hindi na isang atraksyon lang na sinasakyan ng mga turista. Nagsisilbi na rin itong transportasyon ng mga residenteng binaha sa probinsya ng Cagayan.

Imahe mula sa PIA Cordillera

Batay sa social media post ng Philippine Information Agency Cordillera, ang isang swan boat at apat na pontoon boats ay dinala mula sa Baguio City patungo sa Amulung, Cagayan – isa sa mga binahang lugar sa Region II o Cagayan Valley.

Ang mga bangka ay ibiniyahe mula Baguio City sakay ng isang boat trailer mula sa Philippine National Police Maritime Group na nakabase sa Pangasinan.

Ginagamit ang iconic swan boat ng mga residente ng Barangay Anquiray at Barangay Abollo bilang transportasyon. Para naman sa mga batang naapektuhan ng matinding pagbaha at ng bagyong Ulysses, ang mga bangka na may nakatutuwang disenyo ay nagsisilbing libangan.

Ang mga bangka ay ipinahiram ng may-ri nito na sina Osorio Celso at Elvira Celso matapos nilang malaman na nangangailangan ang Cagayan ng mga bangka para sa rescue operations.

Ayon sa PNP Cordillera, hindi nagdalawang-isip ang may-ari na ipahiram ang mga bangka na ginagamit sa negosyo.

Imahe mula sa PIA Cordillera

“Though her business was greatly affected by the COVID-19 pandemic, the boat owner did not hesitate to lend her source of livelihood to help our distressed ‘kakailyans’ in Cagayan,” post ng PNP Cordillera.

Kamakailan lang ay nag-trending ang hashtag na #CagayanNeedsHelp matapos makaranas ng malawakang pagbaha ang rehiyon na kinabibilangan ng mga probinsyang Isabela, Batanes, Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino dahil sa bagyong Ulysses.

Sinisisi rin sa pagbaha ang pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.

Screenshot mula sa video sa Twitter

Loading…