Sino nga ba ang kauna-unahang naging kinatawan ng Pilipinas sa “Miss Universe?”

  • Si Teresita Sanchez ang kauna-unahang naging kinatawan ng Pilipinas sa “Miss Universe
  • Siya ang hinirang na “Miss Philippines” noong 1952 katunggali ang late actress na si Nida Blanca
  • Hindi niya nasungkit ang korona dahil ang nagwagi ay mula sa bansang Finland

Mahilig sa beauty pageant ang mga Pilipino, kaya naman ipinagmamalaki natin nang labis ang mga kandidata ng Pilipinas na nakapapasok sa top 5, o kahit sa top 10.

Isa sa mga prestihiyosong inaabangan dito ang “Miss Universe.” Hindi man consistent sa top 10, hindi naman tayo ‘nangungulelat’; patunay ang marami na rin nating mga kandidatang nasungkit ang korona, o kung hindi man, ay mga runners-up.

Subalit batid mo ba kung sino ang kauna-unahang Pilipina na sumabak sa Miss Universe?

Ito ay walang iba kundi si “Teresita Sanchez.” Tampok siya sa Facebook page na “Pageanthology 101” kung saan ibinahagi ang kaniyang mga  larawan noong kasagsagan ng naturang paligsahan.

Imahe mula sa Facebook page na Pageanthology 101

Sino nga ba si Teresita Torralba Sanchez?

Ang ating kauna-unahang kandidatang kinatawan sa Miss Universe ay una munang naging Miss Philippines noong 1952. Isa sa mga nakatunggali pa la niya ang yumaong aktres na si Nida Blanca. Dahil sa kaniyang pagkakapanalo, siya ang kumatawan sa Pilipinas para sa Miss Universe na ginanap naman sa Long Beach Municipal Auditorium sa Long Beach, California, United States sa kaparehong taon.

Sa kasamaang-palad, hindi niya naiuwi sa Pilipinas ang korona dahil nasungkit ito ni “Armi Kuusela” ng bansang Finland. Ang kauna-unahang Miss Universe queen ay pinutungan ng korona ng aktres na si Piper Laurie.

Ang kauna-unahang Miss Universe na Pilipina ay si Gloria Diaz noong 1969. Muling nanumbalik ang sigla ng pagkakapasok sa finalists ng mga Pilipinang kandidata sa naturang beauty pageant sa panahon ni Venus Raj noong 2010. Nagtuloy-tuloy na ito, hanggang sa noong 2015, hinirang na Miss Universe si Pia Wurtzbach, at ang pinakahuli nga ay si Catriona Gray noong 2018.

Public Domain Image

Ngayong 2020, ang itinanghal na Miss Universe Philippines ay si Rabiya Mateo mula sa Iloilo City na kakatawan sa Pilipinas sa paparating na Miss Universe pageant nitong 2020.

Loading…