Sino nga ba si “Madam Auring?”

  • Si Madam Auring ay isa sa mga sumikat na “celebrity fortune teller”
  • Naging popular siya nang husto sa kasagsagan ng 70s dahil sa mga hula niyang diumano’y tumatama
  • Nitong Oktubre 30, 2020 ay sumakabilang-buhay na siya sa edad na 80

Isa na yata sa mga may pinakamakukulay na personalidad sa showbiz na nakilala ng sambayanan ang celebrity fortune teller na si “Madam Auring.”

Inihayag sa Facebook posts ng kaniyang mga apong sina Mike at Simon Pecson ang pagyao ng kanilang lolang si Madam Auring o “Aurea S. Erfelo” nitong Oktubre 30, 2020 sa edad na 80 taong gulang. Hindi na umano ito nagising mula sa mahimbing nitong pagkakatulog.

Imahe mula sa Facebook account ni Mike Pecson

“Our family chain is broken and nothing seems the same, But as God calls us one by one the chain will link again. There are no goodbyes for us lola, Wherever you are, you will always be in my heart. Ibati mo na lang kami kay Mama ‘pag nakita mo siya.. Rest In Peace,” makikita sa Facebook post ni Mike Pecson.

Ayon naman sa isa pa niyang apong si Simon sa kaniyang Facebook post, nadalaw pa niya ang kaniyang Lola Auring at nabigyan pa ng mga pasalubong na labis nitong ikinatuwa. Binanggit nito na hindi raw biro ang mga pinagdaanan nito sa kaniyang senior years.

“#RestInPeace my Lola few days ago binisita kita magkausap lang tayo, dinalhan kita ng mga pasalubong at mga pangangailangan mo lubos ka nagalak. Grabe ang pinagdaanan mo during your senior years pero you still worked hard for your family (us) I feel sad and happy,” aniya.

Marami raw siyang mami-miss sa kanilang lola.

“Sad kasi I will never see you again, mga wisdom words mo, korni jokes, happy bondings, and pagkurot sa aking pisngi hanggang mamula.”

Imahe mula sa Facebook account ni Simon Pecson / Public Domain Image

“Happy ako kasi you have done everything you could to make us feel loved the way you know how, your struggles are over. You fought your battles silently. Magkikita na kayo ni Mama sa kabilang buhay. You shall always be in our hearts. Love you.”

Sino nga ba si “Madam Auring?”

Nakilala siya bilang celebrity fortune teller ng mga artista, beauty queens, at mga politiko. Bago maging fortune teller ay naging beautician muna siya sa Maynila.

Lubos siyang sumikat noong ’70s nang tumama ang kaniyang hula na mananalo bilang Miss Universe noong 1974 ang pambato ng Spain na si Amparo Munoz. Ginanap ang naturang pageant sa Maynila. Dito na sumikat ang fortune telling sa mga artista.

Nahulaan din ni Madam Auring ang pagkapanalo ng makasaysayang boksingero na si Muhammad Ali noong 1975. Dahil dito, naging instant celebrity na si Madam Auring at naging puntahan na ng mga artista at politikong nais silipin ang kanilang kapalaran sa pamamagitan ng tarot cards at bolang kristal.

Public Domain Image

Naging in-demand si Madam Auring at minsan pang naging aktress, beauty endorser, at guest sa maraming mga TV shows.

Subalit hindi lahat ng hula niya ay nagkatotoo. Mayroon siyang hula na mananalo si “Miss Valenzuela” sa Miss Universe noong 1994.

Naging bukas na aklat sa lahat ang detalye sa buhay-pag-ibig ni Madam Auring. Isa sa mga pinag-usapan ang kanilang relasyon ni Jukebox King Victor Wood. Pinag-usapan din ang mga “May-December Love Affair” niya at ang kaniyang “youthful look.”

Nang mawala sa spotlight ng showbiz, pinamahalaan na lamang niya ang kaniyang boutique at nagsasagawa pa rin ng panghuhula sa kaniyang shop sa Congressional Road, Quezon City.

Isang pagpupugay, Madam Auring! Mananatili ka sa puso at isipan ng mga nagmamahal sa iyo! Maligayang Paglalakbay!

Loading…