Ellen Adarna sasamahan si John Estrada sa TV5 sitcom na “John en Ellen”

Image by Ellen Adarna via Instagram
  • Ellen Adarna bibida sa TV5 sitcom na John En Ellen kasama si John Estrada
  • Nakatakdang umere ang comedy show simula January 2021
  • May bali-balita ring gagawa ng sitcom sa TV5 sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo

Hindi nasunod ng aktres na si Ellen Adarna ang naunang sinabing saka lamang siya babalik sa showbiz kapag umabot na sa pito ang edad ng anak nila ni John Lloyd Cruz na si Elias. Bibida kasi si Ellen sa isang comedy show na maipalalabas sa Kapatid Network. Ang pamagat, John en Ellen.

Image by Ellen Adarna via Instagram

Makakasama rito ng aktres ang beteranong aktor na si John Estrada. Hango ang konsepto ng kanilang proyekto sa classic na John En Marsha na pinagbidahan noon nina Comedy King Dolphy at Nida Blanca.

Hindi na bago kina Ellen at John ang pagpapatawa yamang naging bahagi noon ng sitcom na Home Sweetie Home ang nauna samantalang isa sa mga main characters sa Palibhasa Lalaki ang huli.

Ayon sa kagaganap lamang na story conference, makakasama pa nila sa programa sina Ronaldo Valdez, Laboching, Long Mejia at Angelina Cruz. Direktor naman si Willy Cuevas na isa sa mga nasa likod ng mga game at comedy shows ng ABS-CBN.

Anak sa John en Ellen ng isang mayamang negosyante si Ellen na hindi sang-ayon sa relasyon nila ni John kaya’t napilitan silang magtanan.

Image by Ellen Adarna via Instagram | Image by John Estrada via Instagram

Makaraan ang labing-anim na taon, nagkunwari ang negosyante na lumambot ang puso at pinatira ang pamilya ng anak sa kanyang mansion. Dito na mag-uumpisa ang mga hamon sa buhay nila na tiyak na magdadala ng katatawanan sa mga manonood.

Nakatakdang maiere ang sitcom simula January 17, 2021 sa Kapatid Network.

Samantala, may mga bali-balita ring gagawa ng programa na may kaparehong genre sina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz sa Tv5. Tiyak na pagkukumparahin ng mga tagahanga ang dalawang programa kung sakali.

Mga image mula sa kanilang Instagram accounts

Loading…