SMC humiling na palawigin ang deadline sa implementasyon ng cashless transaction hanggang Pebrero

Imahe mula sa PNA
  • Muling humiling ng extension sa deadline ang SMC para sa implementasyon ng cashless transaction
  • Lubhang napakarami raw talaga ng kumukuha ngayon ng RFID stickers
  • Hiling ng SMC, palawigin pa hanggang Pebrero 2021 ang deadline

Muling humingi ng palugit ang San Miguel Corporation (SMC) para sa deadline ng full implementation ng cashless transaction sa mga tollways dahil na rin umano sa malaking bilang pa ng mga motorista na hindi nakakuha ng RFID sticker.

Ang SMC ang toll operator ng Skyway, South Luzon Expressway (SLEx), STAR Tollway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx), NAIA Expressway (NAIAx), at nng Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX) na gumagamit ng Autosweep RFID.

Ayon kay SMC President at CEO Ramon S. Ang, patuloy niyang mino-monitor ang sitwasyon subalit hanggang sa kasalukuyan ay napakahaba pa rin ng pila sa mga installation sites lalo na ngayong weekend, ilang araw bago ang itinakdang deadline na Disyembre 1.

“Given the surge in last-minute applications we’re seeing, we don’t think we will be able to serve everyone. A large number of motorists will not make it to the December 1 deadline,” ayon kay Ang.

Ito ay sa kabila ng mga hakbang na ginawa nila upang mapabilis ang pagkuha ng mga motorista ng Autosweep RFID stickers tulad ng paglalagay ng karagdagang 100 installation sites at gawing bukas sa loob ng 24 oras ang mga major installation outlets.

Subalit lubhang napakalaki umano talaga ng volume ng kumukuha kaya sana ay mapalawig ang deadline hanggang Pebrero pa.

Imahe mula sa Autoindustriya

“My honest opinion is we will really need at least until February. And that is what we are asking the government. To allow us to retain even just a few cash lanes until February,” wika ni Ang.

Kaugnay nito, nais nilang patuloy na maglaan ng kahit isang toll booth para sa cash transaction habang tuloy rin ang pagtanggap ng aplikasyon para sa stickers.

Nauna nang nagbabala ng Department of Transportation (DOTr) na ang mga sasakyang walang RFID stickers ay posibleng hulihin simula sa Enero 11, 2021.

Subalit tiniyak naman ni Ang na hindi huhulihin ang mga motoristang hindi naman gumagamit ng mga expressways.

Loading…