State of calamity sa buong Luzon inirekomenda ng NDRRMC

Presidential photo
  • Irerekomenda ng NDRRMC kay Pangulong Duterte na isailalim sa state of calamity ang buong Luzon
  • Layon ng rekomendasyon na matugunan ang epekto ng pinakahuling mga bagyo na humagupit sa bansa
  • Pinasisilip din ng NDRMMC ang kasalukuyang estado ng dam management

Kasunod ng malawakang pinsalang dulot ng sunud-sunod na malalakas na bagyong Quinta, Rolly at Ulysses, tinipon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang buong konseho para sa isang emergency meeting noong Lunes, November 16.

Imahe mula sa Civil Defense PH Facebook page

Ito ay upang mapag-usapan ang epekto ng mga nagdaang bagyo, pagdedeklara ng state of calamity at ang mga aksyon na gagawin para sa maagang recovery mula sa mga pinsala.

Napagkasunduan sa naturang pagpupulong na irerekomenda ng NDRRMC kay Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa state of calamity ang buong Luzon upang matugunan ang epekto ng pinakahuling mga bagyo na humagupit sa bansa.

“It was approved during the meeting the recommendation for President Rodrigo Duterte to place under state of calamity the entire Luzon to address the impacts of the latest typhoons that hit the country,” wika ni NDRRMC chairman at Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Pinagtibay din sa meeting ang pagbuo ng technical working group para sa joint prevention, mitigation, and preparedness clusters ng NDRRMC upang silipin ang kasalukuyang estado ng dam management.

Inatasan din ni Secretary Lorenzana ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na muli nitong balikan ang historical data upang mas mapalakas nito ang pagbibigay ng babala bago pa tumama sa bansa ang isang bagyo.

Imahe mula sa Civil Defense PH Facebook page

Matatandaang ang pagpapakawala ng tubig sa mga dam sa gitna ng pananalasa ng unos ang isa sa mga itinuturong dahilan ng malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon kabilang ang Marikina City, Cagayan, Isabela at Rodriguez sa Rizal.

Pinag-usapan din ng konseho ang pagbibigay ng ayuda sa mga mangingisda at magsasaka, ang road clearing operations at iba pang recovery interventions.

Imahe mula sa Civil Defense PH Facebook page

Loading…