
- “Spider-Man,” nagsuot ng face mask kontra COVID-19
- “With great power comes great responsibility”
- Sa Instagram post, hinikayat ni Tom Holland ang followers niya na magsuot ng face mask
Sa panahon ngayon ng COVID-19 pandemic, kailangang maging responsable ang lahat sa pagsunod sa mga ipinatutupad na health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Maging ang mga “superheroes” ay suportado ang pagsusuot ng face mask para makaiwas sa COVID-19. Bilang superheroes na hinahangaan ng marami, may nakaatang sa kanilang responsibilidad na maging mabuting ehemplo para sa lahat.
‘Ika nga si Spider-Man, “with great power comes great responsibility.”
Noong Linggo, November 8, nag-post sa kanyang Instagram account ang British actor na si Tom Holland ng isang behind-the-scene photo niya sa set ng Spider-Man 3 kung saan nakasuot siya hindi lang ng kanyang Spidey red and blue suit kundi maging ng kulay puting PPE face mask.
“Wear a mask, I’m wearing two,” caption ni Tom Holland sa post niya.

Wala pang gaanong detalye na inilalabas tungkol sa Spider-Man 3 movie, pero matatandaang sinabi ni Tom Holland noong nakaraang buwan na ang pelikula na sequel sa Spider-Man: Homecoming (2017) at Spider-Man: Far From Home (2019) ay sinimulan nang gawin.
Wala pa ring official title ang Spider-Man 3 na ang nagdidirihe ay si Jon Watts ulit, ang director ng naunang dalawang Spider-Man movies na nabanggit.
Nakamit ni Tom Holland ang stardom dahil sa pagganap niya bilang Spider-man. Una niya itong ginampanan noong 2016 sa pelikulang “Captain America: Civil War.” Apat na beses pa itong nasundan sa mga pelikulang “Avengers: Infinity War,” “Avengers: Endgame,” “Homecoming,” at Far From Home.”
Ang “Spider-Man 3” ay nakatakdang mapanood sa mga sinehan sa December 17, 2021.
