Suspek sa illegal logging tauhan umano ng isang mayor sa Cagayan

Imahe mula sa PNP PIO
  • Isang suspek sa illegal logging sa Cagayan tauhan umano ng isang mayor
  • Inaalam ng PRO Cagayan Valley ang involvement ng mayor sa ilegal na aktibidad
  • Ipinag-utos ni PNP chief Sinas ang province-wide manhunt sa mga suspek na nakatakas

Inaalam ng Philippine National Police (PNP) kung protektado ng isang mayor sa Cagayan ang grupo ng mga illegal loggers na nakaengkwentro ng isang police team na rumesponde sa sumbong ng mga concerned citizens hinggil sa mga nakitang troso sa tabing ilog sa Sitio Dalayat, Minanga sa Lagum Peñablanca.

Imahe mula sa PNP PIO

Nang mapaanod na ng mga pulis sa ilog ang mga troso ay tinambangan sila ng mga suspek na ikinasugat ng deputy chief ng Peñablanca Police Station na si Lieutenant Randy Baccay. Isang suspek naman ang nasakote sa follow-up operations.

Kinilala ang suspek na si Ernest Sibbaluca na ayon sa report na nakarating sa tanggapan ni Police Regional Office Cagayan Valley Director Crizaldo Nieves ay tauhan ng isang mayor na hindi muna pinangalanan.

“Actually, vina-validate nga namin ‘yan,” pahayag ni Nieves.

“’Yun ang sinasabi, but, alam mo mahirap magsalita until we have confirmed it. Finile naman namin ang kaso. Sa akin naman, kahit sino naman ang backer niya, e ‘di isama natin kung kailangan basta may ebidensiya,” dagdag pa niya.

Imahe mula sa PNP PIO

Inataasan na ni Nieves ang mga police commanders na mag-imbestiga kung gaano kalawak ang pagkakasangkot ng mga politiko sa illegal logging activities sa rehiyon.

Ayon kay P/Captain Rohaina Asalan, hepe ng Peñablanca Police Station, si Sibbaluca ay dati nang natimbog noong September 2019 dahil sa paglabag sa Presidential Decree 705  o ang Revised Forestry Code of the Philippines.

Kaugnay ng pangyayari, nag-utos si PNP chief Major General Debold Sinas ng province-wide manhunt sa mga nakatakas na suspek na nakasagupa ng grupo ni Lt. Baccay.

Imahe mula sa Cagayan PIO

Loading…