Ted Failon naluha nang alalahanin ang relasyon sa ama; nangakong ‘di na babalikan ang politika

Screenshot mula sa Usapang Real Life with Luchi Cruz Valdes
  • Ted Failon, guest sa episode ng Usapang Real Life with Luchi Cruz Valdes noong November 21
  • Naging emosyonal si Failon nang mapag-usapan ang relasyon niya sa yumaong ama
  • Sinabi niyang hindi na siya babalik pang muli sa politika

Ang beteranong news anchor na si Ted Failon ang panauhin sa Usapang Real Life with Luchi Cruz Valdes sa episode nito sa TV5 noong Sabado, November 21.

Screenshot mula sa Usapang Real Life with Luchi Cruz Valdes

Sa programa ay inilahad ni Ted Failong ang mga naging karanasan niya bilang anak, ama sa dalawang anak, ang mga pinagdaanan bago siya nakilala sa larangan ng broadcasting at politika.

Lingid sa kaalaman ng marami, ang batikang broadcast journalist ay minsan na ring sumabak sa politika bilang Congressman ng 1st District ng Leyte mula 2001 hanggang 2004. Sabi niya, hinding-hindi na raw siya babalik sa politika.

Matatandaang noong nakaraang buwan, sa mediacon ng Ted Failon & DJ Chacha, sinabi niyang na-realize na niya noon unang taon pa lang bilang congressman na mas epektibo siyang nakatutulong sa taumbayan bilang news anchor at komentarista. Sinabi niyang mananatili na lang siya sa kasalukuyan niyang trabaho. Hindi naman daw niya minamaliit ang mga taong nasa larangan ng politika bilang mga lingkod-bayan.

Naging emosyonal si Ted Failon nang mapag-usapan ang masalimuot na relasyon niya sa kanyang yumaong ama. Tutol na tutol daw ito sa pangarap niyang maging radio announcer. Sinabihan umano siya ng ama na magtinda na lang sa mga construction sites at baka gumanda pa ang takbo ng kanyang buhay.

Screenshot mula sa Usapang Real Life with Luchi Cruz Valdes

Ipinaglaban niya ang kanyang ambisyon hanggang nakapasok sa isang radio station sa Tacloban na may suweldong singkwenta pesos kada kinsenas. Mula roon ay nagtuluy-tuloy na ang tagumpay niya hanggang marating ang kasalukuyang kinaroroonan sa larangan ng broadcasting.

Sinabi niyang wala siyang kinimkim na sama ng loob laban sa ama; bagkus pagmamahal ang ipinakita niya.

Bago naging broadcast journalist sumabak siya sa mga trabaho bilang mekaniko, bellboy at waiter upang matustusan ang kanyang pag-aaral noon sa kolehiyo.

Ibinahagi rin niya kung ano siya bilang ama. Aniya, lagi siyang naroroon at handang makinig sa anumang problema ng mga anak at tiyak na uunawain niya. Anuman ang gusto nila ay ibibigay niya hangga’t kaya niya.

Screenshot mula sa Usapang Real Life with Luchi Cruz Valdes
Source :

YouTube, MSN

Loading…