Tumakas ka rin ba sa siesta noong bata ka pa?

  • Pagtakas sa bantay sa siesta, ginawa mo rin ba?
  • Iyan ang ipinakikita sa isang meme
  • Nagsalaysay ang mga netizens hinggil sa kanilang karanasan

Isa sa mga pangaral ng mga magulang sa mga anak  na kailangang matulog sa tanghali upang lumaki at tumangkad kaagad. Tinatawag itong “siesta” sa wikang Espanyol. Subalit isa ka rin ba sa mga batang tumatakas kapag nakaidlip na ang nanay o lola na nagbabantay?

Iyan ang binalikan sa Facebook page na “Batang Pinoy-Ngayon at Noon” matapos itampok ang isang meme na nagpapakita ng dalawang batang dahan-dahang naglalakad palayo sa kanilang ina, na nauna pang nakatulog kaysa sa kanila.

Imahe mula sa Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon / Public Domain Image

“Dahan-dahan baka magising…” saad na pahayag sa naturang meme.

Hindi naman naiwasan ng mga netizens na matawa sa naturang meme at nagbahagi sila ng kanilang kuwento at karanasan hinggil dito.

“Hehehe relate na relate dahil kapag nagising kurot sa singit at pingot sa tenga, ganyan ang matatanda noon kaya mga bata disiplinado, ngayon akala may bitin na hollow block mga paa minsan maaapakan ka pa, hindi man lang marunong humingi ng pasensiya o patawad,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Talagang ganiyan kami noon, may takot bawat kilos, kahit sa tingin lang para kang pinapalo sa puwit, mami-miss mo talaga ang mga aral noon, at disiplina na bawal na ngayon, kaya mga bata nawalan na ng respeto sa matatanda, kahit sa kapwa nila bata.”

“Ganitong-ganito talaga kami eh.. kunwari natutulog dahil pinapatulog kami sa tanghali hanggang hapon pero kapag nakatulog ang tagabantay lalo na yaya namin, dahan-dahan na kaming bumabangon at lalabas ng bahay para makipaglaro sa ibang mga bata: tumbang lata/preso, patintero, habulan, tagu-taguan, lastiko, trumpo, teks at halos lahat ng larong pambata,”  pagbabahagi naman ng isa.

Public Domain Image

Pagsasalaysay naman ng isa, “Haha gawain ko ‘yan noong bata pa ako, mga 6 years old pa lang, lagi kaming pinapatulog tuwing tanghali, kapag tulog na bantay, dahan-dahan na akong lalabas para maglaro. Tapos kapag nagising ang bantay wala na ko sa tabi niya, hahanapin ako sa labas at papaluin ng sinturon may kasama pang kurot sa tagiliran para matulog ulit. Those were the days na iniiyakan ko noon, pero ngayon tinawanan na lamang.”

Ikaw, ginawa mo rin ba ito noon?

Loading…