Typhoon Rolly aftermath: Albay Governor Bichara nanawagan ng tulong para sa kaniyang mga kababayan

Imahe mula Facebook - Gov. Bichara
  • Nanawagan ng tulong para sa kaniyang mga kababayan si Albay Gov. Al Francis Bichara
  • Kailangan umano nila ang tulong mula sa national government lalo na para sa pagkain ng mga tao
  • Halos maubos na kasi ang pondo ng lalawigan dahil sa pandemya at nagdaang Bagyong Quinta

Nananawagan ng tulong si Albay Governor Al Francis Bichara para sa kaniyang mga kababayan matapos ang pananalasa ng Bagyong Rolly sa Kabikulan nitong nagdaang weekend.

Ilang barangay sa mga bayan ng Guinobatan, Daraga, Polangui, Malinao at Tiwi ang inanod at natabunan ng rumaragasang lahar mula sa paanan ng Bulkang Mayon bunsod ng matinding pag-ulan at malakas na hangin.

Imahe mula sa Facebook- Gov. Bichara

Sa bayan pa lang ng Guinabatan ay umabot na umano sa 150 bahay ang nalubog at ilang residente pa ang nawawala at hinahanap, habang tatlo naman ang kumpirmadong sinawimpalad.

Ayon kay Gobernador Bichara, hindi nila inaasahan ang biglang pagragasa ng lahar mula sa Mayon na lalo pang naging mapanganib dahil sa malakas na bugso ng hangin.

“‘Di namin ine-expect ‘yung lugar kasi ‘di naman tinataamaan ng lahar yun. Nag-overflow ‘yung lahar dahil malaki ‘yung deposit sa slope ng Mayon at syempre binugbog ng bagyo. Umapaw ‘yung kanal at nag-iba ang direksyon,” ani Bichara sa panayam ng ABS-CBN News.

Gov. Bichara| Imahe mula sa Facebook-Gov. Bichara

Umabot din umano sa 150,000 residente ang nailikas ng mga lokal na pamahalaan at karamihan sa kanila ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan habang ang iba naman ay nanatili muna sa mga evacuation centers.

Subalit dahil sa pananalasa ng Bagyong Rolly, nag-aalala ngayon si Bichara sa kabuhayan ng kaniyang mga kababayan lalo na ang kanilang pagkain sa mga susunod na araw. Kaya nanawagan siya ng tulong lalo pa ngayong naubos na rin halos ang pondo ng probinsiya dahil sa COVID-19 pandemic at nagdaang Bagyong Quinta.

Imahe mula sa Facebook- Netizen Cho

“Kailangan natin dito pagkain. Wala na silang iha-harvest ngayon. Yung palay. Dalawang bagyo sunuran. Mga vegetables sira na rin,” pakiusap ng gobernador.

Bukod dito, kailangan din umano nila ang karagdagang pondo para sa pabahay ng mga nasalanta ng unos. Inaasahan din ng mga opisyal sa Albay na magtatagal pa bago maibalik ang kuryente sa probinsiya dahil sa mga posteng nabuwal.

“Lahat ng LGU gumastos sa COVID tapos may Quinta pa. Di tatagal, mauubusan kami rito. Kailangan talaga tulong galing sa national government,” dagdag pa ng gobernador

Imahe mula sa Facebook- Gov. Bichara

.Ang bagyong Rolly ang itinuturing na pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon.

Maliban sa Albay, nag-iwan din ito ng matinding perwisyo sa mga lalawigan ng Catanduanes, Camarines Sur, Quezon at Batangas.

Loading…