UAE naglaan ng AED 35-M (P460-M) humanitarian aid para sa nasalanta ni ‘Rolly’ sa Pilipinas

His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan| Imahe mula sa cpc.gov.ae
  • Naglaan ng halos P460-M ang pamahalaan ng UAE bilang tulong sa mga nasalanta ni bagyong ‘Rolly’ sa Pilipinas
  • Unang ipadadala umano ay mga materyeles na magagamit sa pagtayo ng mga nasirang tirahan
  • Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Abu Dhabi Crown Prince His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan

Naglaan ng 35 milyong dirhams o halos P460-M ang pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) bilang tulong sa mga nasalanta ng bagyong Rolly (Int. name: Goni)  sa Pilipinas noong nagdaang weekend.

Ito ay bilang tugon sa utos ni His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, ang Crown Prince ng Abu Dhabi at Deputy Supreme Commander of the UAE Armed Forces. Ang nasabing humanitarian aid ay pangangasiwaan ni Sheikh Hamdan bin Zayed Al Nahyan, Ruler’s Representative sa Al Dhafra Region at siya ring Chairman ng Emirates Red Crescent (ERC).

His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan| Imahe mula sa SCMP

Kabilang umano sa ipadadala ng UAE ay ang malaking bilang ng ‘shelter materials’ bilang bahagi ng ‘phase one’ ng serye ng aid program ng ERC at UAE government.

Kaugnay nito, nagpadala na rin ng delegasyon ang ERC sa Manila upang pangunahan ang relief operation sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad ng bayang nasalanta.

Ayon kay Dr. Mohammed Ateeq Al Falahi, Secretary-General ng ERC, patuloy na minomonitor ni Sheikh Hamdan ang humanitarian situation sa Pilipinas simula pa noong lumapag ang bagyo at patunay lamang umano ito ng kaniyang pagnanais na makatulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Bukod dito, inatasan na rin ni Sheikh Hamdan ang ERC na maging laging handa sa pagresponde sa mga katulad na sitwasyon sapagkat ito umano ang magbibigay-diin sa mahalagang papel na ginagampanan ng pamahalaan ng UAE at ng mga opisyal nito sa pagresponde sa mga humanitarian crisis.

Imahe mula sa Facebook

Sa kasalukuyan, binabalangkas na ng ERC ang programa para sa tuloy-tuloy at maayos na daloy ng tulong mula sa UAE habang tinitiyak din nito na kasunod na rin nilang ipadadala ang iba pang mga gamit para matugunan ang pangangailangan pagkain, kalusugan at iba pang ‘humanitarian requirements’.

Tinatayang aabot sa mahigit P11-B ang halaga ng ari-ariang winasak ni ‘Rolly’ at pinakamalaki rito ay sa Rehiyong Bikol na siyang matinding tinamaan ng itinuturing pinakamalakas na bagyong dumaan sa bansa ngayong taon.

Loading…