Willie Revillame nagbenta ng sasakyan; P7-M na pinagbilhan ibibigay sa nasalanta ni ‘Ulysses’

Screenshot mula sa You Tube
  • Nagbenta si Willie Revillame ng sasakyan at ibibigay niya ng pinagbilhan nito sa mga nasalanta ni ‘Ulysses
  • Pitong milyong piso ang pinagbentahan ng sasakyan at dadagdagan pa ito ni Willie ng pera mula sa sariling bulsa
  • Mga residente ng Montalban at Marikina na nasalanta ng bagyo ang makatatanggap ng nasabing donasyon

Kilala si Willie Revillame sa pagiging matulungin at hindi lang iilang tao na ang kaniyang natulungan sa pamamagitan ng kaniyang sikat na programa sa telebisyon.

Sa espesyal na episode ng Wowowin nitong Biyernes, ibinahagi ni Kuya Wil na ibinenta niya ang isa sa kaniyang mga sasakyan at ang pinagbilhan nito ay kaniyang ibibigay bilang donasyon sa mga naapektuhan ng bagyong ‘Ulysses’.

Screenshot mula sa You Tube

Ayon sa Wowowin host, madaliang naibenta niya ang kotse sa halagang P7-M at dadagdagan pa niya ito mula sa kaniyang sariling bulsa para sa mga residente ng Montalban at Marikina.

“Bale ho PhP 7 million, dadagagan ko ho ‘yun ng kaunting naipon ko. Magbibigay po ako sa Montalban ng PhP 5 million at another PhP 5 million po sa Marikina,” ani Willie.

Ang Montalban sa Rizal at Marikina City ang dalawa sa mga lugar na dinaanan ni Ulysses na nag-iwan ng labis-labis na pinsala dulot ng pagtaas ng tubig na nagpalubog sa maraming kabahayan doon.

“Aanhin ko ho ‘yung kotse kung marami akong kababayan na naghihirap? Kahit magbenta pa [ako] ng kahit anong pag-aari, pag-aari mo na hindi mo na kailangan. I think this is the right time,” bahagi ng host-comedian.

Nilinaw din ni Kuya Wil na isinasapubliko niya ang kaniyang pagtulong hindi upang maipagmayabang kung hindi para bigyan ng accountability ang sinumang makatanggap nito.

Screenshot mula sa CNN PH video

“Kaya ko ‘to sinasabi ho dahil ito ‘yung totoong nararamdaman ko. Sabi nila bakit kailangan ko pang ipakita sa TV o ano. Kailangan ko hong malaman ninyo para malaman ng mga kababayan n’yo na may perang inilaan para sa inyo at ‘yun po ay para sa inyo,” paliwanag ni Willie.

Bilang pasasalamat na rin umano ito sa kaniyang mga fans na patuloy na tumatangkilik sa kaniyang programa na kung hindi dahil sa kanila ay hindi siya makararating sa kung saan man siya ngayon.

Walang hinihinging kapalit si Kuya Wil kung hindi ang dasal na sana ay magpatuloy pa ang kaniyang programa nang matagal nang sa gayon ay marami pa rin siyang matulungan.

Loading…