Yorme, kokopyahin ang housing program ng Singapore para alisin ang informal settlements sa Maynila

Screenshot mula sa The Capital Report ni Mayor Isko Moreno
  • Yorme, kokopyahin ang housing projects ni Lee Kuan Yew ng Singapore
  • Sa kasalukuyan ay may dalawang vertical housing projects sa Maynila – ang Tondominium at Binondominium
  • Bukod sa mga informal settlers, nais ding bigyan ni Yorme ng pabahay ang mga working class na nangungupahan lang

May long-term plan si Mayor Isko Moreno ng Lungsod ng Maynila upang mabigyan ng sariling bahay ang lahat ng mga informal settlers ng lungsod.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno

Ipinahayag ni Yorme sa lingguhang update sa kanyang social media account na ito ang pangarap niya para sa Maynila. Sinabi niya na nais niyang kopyahin ang ginawa noon ni Lee Kuan Yew sa Singapore. Si Lee Kuan Yew ang unang Prime Minister ng maliit, pero progresibong bansa na nanungkulan mula 1959 hanggang 1990.

Ang tinutukoy ni Mayor Isko ay ang vertical housing program sa Singapore.

“’Yang vertical housing ay sinimulan sa Singapore at naging matagumpay. Eighty percent doon ay nakatira sa pinagawang bahay ng pamahalaan or what you call HDB o home development board, ‘yun ‘yung batas na ginagawa natin ngayon,” pahayag ng alkalde.

Sa kasalukuyan ay may dalawang vertical housing projects ang Maynila – ang Tondominium at Binondominium. Under construction na ang dalawang proyekto at sa sandaling matapos daw ang mga ito ay may ilan pang katulad na proyekto ang isusunod.

Screenshot mula sa The Capital Report ni Mayor Isko Moreno

Prayoridad ni Yorme ang mga informal settlers na mabigyan ng disenteng tirahan, subalit sinabi niya na gusto rin niyang mabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sariling bahay ang iba pang residente ng lungsod.

Ito raw ang mga working class na nangungupahan lang.

“Ang good news, sa ating mga incoming and future projects hindi na lamang ang squatter ang ating lilingunin, priority sila definitely, pero iniisip namin na itong pabahay na ito puwede maisama rin natin ‘yung mga working class, ‘yung mga nangungupahan,” aniya.

Nangako si Mayor Isko na susubukan ng kanyang pamahalaan na makapag-ipon ng sapat na pondo para sa housing projects upang wakasan na ang informal settlements sa Maynila.

Screenshot mula sa The Capital Report ni Mayor Isko Moreno

Loading…